Movie pioneer Marichu Maceda pinulaan ang ilang batang artista

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 04:39 PM

Marichu Vera Perez Maceda ng Sampaguita Pictures. ABS-CBN News

MANILA – Pinulaan ng movie pioneer na si Marichu Vera Perez Maceda ang ilang batang artista sa diumano’y kawalan nila ng respeto sa mga veteran stars. 

Ito'y sa tribute sa kanya ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sabay sa pagdiwang ng sentenaryo ng pelikulang Pilipino. 

Nag-trip down memory lane si Maceda, mas kilala bilang Manay Ichu sa showbiz, sa golden age ng Sampaguita Pictures noong ‘50s hanggang ‘70s, kabilang na ang pagsiwalat ng dating off the record na tsika tungkol sa mga artista at pagdiskubre sa maraming bituin tulad nina Gloria Romero, Susan Roces, Eddie Garcia at Nora Aunor. 

Aniya, si Gloria ay dating minamata ng unang movie queen na si Carmen Rosales bilang "mestisang bangus." 

Si Susan daw ay hindi naman star material noong una niyang makilala sa laki ng mukha na parang palanggana at binti na panghampas ng isda. Pero proud siya na nagkamali siya dahil naging movie queen ito at hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin tulad nina Eddie at Gloria.

Nananatili rin daw silang modelo ng professional standards sa industriya sa tamang working values at attitude tulad ng pagdating ng tamang oras sa set. 

Dismayado si Maceda na marami raw batang artista ngayon ay walang ganitong propesyunalismo at walang galang sa mga nakakatandang artista. 

Bumaha rin ang emosyon sa tribute sa pag-alala ng mga veteran stars tulad ni Vilma Santos at iba pang filmmaker kung paano sila natulungan ni Maceda. 

Kinilala si Maceda sa pagtatag ng FDCP noong ‘80s, at iba pang ahensya na binibigyang proteksyon ang industriya ng sine Pilipino kasama na ang Metro Manila Film Festival tampok ang all-Pinoy movie sa kapaskuhan. 

Nakakalungkot lang aniya na noon at ngayon, nananaig pa rin ang mga foreign movies at Hollywood blockbusters sa sine Pilipino sa kita sa takilya at dami ng sinehang pinapalabas.