DUBAI - Sa magkahiwalay na flight, dumating na sa Dubai sina “Apollo”, “Venus’ at “ Nyx” ang mga karakter nina Richard Gutierrez, Sue Ramirez at Sofia Andres sa teleseryeng Iron Heart.
Magkasamang dumating sina Sue at Sofia lulan ng Philippine Airlines sa Terminal 1 habang kasama naman ni Richard ang kaniyang asawang si Sarah Lahbati at kanyang nanay na si Annabelle Rama.
Lumapag sina Richard sa Terminal 3 ng Dubai International Airport sakay ng Emirates Airlines. Nakatakdang mag-perform ngayong June 10 sina Richard, Sue at Sofia sa Saeed Hall 1, Dubai World Trade Center para sa taunang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Ito ang unang bahagi ng kanilang Kapamilya Kalayaan Karavan. Pressured agad sina Sue at Sofia nang malamang libo-libong mga OFW ang inaasahang manonood ng kanilang show.
“Nandito na po kami sa Dubai. Thank you for having us. We're very very happy and very excited to see all of you guys at ngayon kinakabahan po kami. Hindi po namin in-expect na ganito po kalaki ang volume ng tao na manood at pupunta sa event na ito. Actually bukod sa kaba, we are more of excited na mas marami pala kaming makikitang mga kababayan natin dito para makapagbigay saya kami,” sabi ni Sue.
Excited naman ang first timer na si Sofia at looking forward siya na mamasyal sa iba-ibang attraction sa Dubai.
“First time ko sa Dubai so im super excited to stay for two weeks and spend time with all the Filipinos out there,” sabi ni Sofia.
Ipinaabot naman ni Richard ang kanyang pasasalamat sa fans lalo na sa mga TFC subscriber sa pagsuporta nila sa kanilang high rating teleseryeng Iron Heart.
Pagkatapos ng Dubai leg, tutulak naman ang Kapamilya Kalayaan Karavan sa Manama, Bahrain sa June 15; Doha, Qatar, June 23; Yorkshire,UK, June 17 at sa Madrid, Spain sa June 18.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa United Arab Emirates, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.