PatrolPH

Richard Gomez, nagbalik-tanaw sa saya ng ‘Palibhasa Lalake’

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 11:31 AM

MAYNILA — Hanggang ngayon ay hindi pa rin nalilimutan ni Richard Gomez ang dating ABS-CBN sitcom na “Palibhasa Lalake.”

Sa “Umagang Kay Ganda” (UKG) nitong Martes, nagbalik-tanaw si Richard sa masasayang karanasan bilang isa sa mga bida ng programa na umabot ng higit isang dekada.

“Kung ‘yung hindi lang makakalimutan ay napakarami. Number 1, the memories of working with you people. Magkasama tayo for 11 years, every week magkasama tayo. Tayong lahat we become good friends, we became family,” ani Richard sa isa sa mga host ng “UKG” na si Amy Perez na nakasama niya rin sa “Palibhasa Lalake.”

Taong 1987 nang magsimulang umere sa telebisyon ang “Palibhasa Lalake.”

“Saka ang sarap ng comedy natin. The success of ‘Palibhasa Lalake’ ay dahil tayo roon ay magkakaibigan talaga. Kaya very natural ang lines, batuhan ng lines, saluhan ‘yung mga ganun. ‘Yun ang mga element na aside from the script at saka production ‘yun ang importante sa isang comedy show,” ani Richard.

Si Richard, Miguel Rodriguez at Joey Marquez ang mga orihinal na bida ng “Palibhasa Lalake.” Kasama rin nila sina Amy, Cynthia Patag at Gloria Romero. Pagkatapos noon ay lumaki na ang pamilya ng “Palibhasa Lalake.”

Sa ngayon ay napapanood ang “Palibhasa Lalake” sa Jeepney TV.

Ayon kay Richard, marami pa rin ang natutuwang mapanood muli ang sitcom.

“Alam mo I received mga text messages o kaya sa mga Facebook message, natutuwa sila na napapanood nila ang reruns ng ‘Palibhasa Lalake’. At sabi nila nakakatuwa naman 'yung time na gumagawa kayo ng comedy. Sabi ko masaya talaga nung mga time na 'yon, hindi restricted ang mga ginagawang comedy at saka ang script ay free-flowing,” ani Richard na ngayon ay alkalde ng Ormoc City.

Sa libre niyang oras, ang paggawa ng vlog ang ginagawa ni Richard na huli namang gumawa ng pelikula noong 2018 kasama sina Sharon Cuneta at Kathryn Bernardo.
 
Para sa masayang kuwentuhan nina Richard at Amy tungkol sa “Palibhasa Lalake” simulang panoorin ang video sa oras na 30:00.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.