PatrolPH

Kampo ni Eddie Garcia nilinaw na di inatake sa puso ang aktor

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 06:22 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nilinaw ng kampo ng batikang aktor na si Eddie Garcia na nabalian siya ng buto, at hindi inatake sa puso o na-stroke gaya ng mga unang naiulat.

Ayon sa doktor ni Garcia na si Enrique Lagman, nasa kritikal na kondisyon ang aktor sanhi ng “severe cervical fracture” sa leeg. 

"The doctors ruled out heart attack and stroke as proven by several validating tests done in Mary Johnston Hospital. He is in critical condition due to severe cervical fracture," ani Lagman. 

Maaalalang noong Sabado ay nawalan ng malay sa gitna ng taping ng isang serye si Garcia.

Ayon naman sa GMA-7, pinag-aaralan na nila ang kumakalat na video kung saan makikita ang tila'y pagkadapa ni Garcia matapos mapatid ang paa sa isang kable habang nasa taping. 

Ipinagdarasal din nila ang paggaling ng aktor at inaatay ang update sa kaniyang kalagayan. 

Ilang kaibigan at mga kasama sa showbiz ang bumisita kay Garcia, gaya nina outgoing Manila Mayor Joseph Estrada, aktor na si John Regala, Senator-elect Bong Revilla at misis niyang si Lani Mercado, at director na si Toto Natividad. 

Inilipat na rin ngayong araw ang aktor sa Makati Medical Center, at nasa intensive care unit.

Panawagan ng kaniyang malapit na kaibigan na si Bibeth Orteza, dasal at paggalang sa privacy para kay Garcia at sa kaniyang pamilya.

Bumuhos din sa social media ang mga mensahe ng suporta at dasal para kay Garcia. --Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.