Si Optimus Primal at Optimus Prime. Paramount Pictures
Sino sa inyo ang mahilig sa Transformers? Eh 'yung Transformers cartoon na "Beast Wars?" Puwes, eto na ang live action movie na magpapasaya sa inyo.
Ang "Transformers: Rise of the Beasts" ang pinakabagong Transformers movie base sa sikat na cartoon at toy line ng Hasbro noong 1980s. Kung dati ay si director Michael Bay ang nagbigay buhay sa live action Transformers movies, ito namang "Rise of the Beasts" ay dinirek ni Steven Caple Jr., na siyang nagdirek ng boxing movie na "Creed II," na pinagbibidahan ni Michael B. Jordan at Sylvester Stallone.
Kung action lang ang basehan bakit pinili si Caple para magdirek nitong Rise of the Beasts, kita naman sa huli na di sila nagkamali sa pagpili. Malinis at hindi nakakalito o nakakahilo ang labanan sa pelikulang ito. Doon pa lang, panalo na kaagad ang Rise of the Beasts. Di rin nauubusan ng bala ang mga robot dito - tulad ng paborito nating teleserye, pero mga robot naman 'to, so sakto lang.
Tulad ng naunang mga Transformers movies, ang kuwento ng Rise of the Beasts ay tungkol sa mga Autobots - mga robot galing sa planetang Cybertron - at ang kanilang hangarin na depensahan ang Earth sa mga kalaban.
Noong bata ako, paborito kong panoorin ang G1 Transformers sa TV. Nakakabaliw noon na merong cartoons tungkol sa mga robot na nag-iiba ng anyo tulad ng ibon, jet fighter, dinosaur, paniki, kuto, pating, cassette player, cassette tape, kanyon at pamungkal-sudsod (bulldozer).
Naisip na rin namin dati ng mga kaibigan ko, bakit kaya walang Autobot na nagiging jeepney? Mabuti na lang may Gobots - isa pang cartoons tungkol sa robots na parang ginaya ang Transformers pero tipid ang budget kaya 'yung leader ng kalaban nila, si Cy-Kill, nagiging motorsiklo tapos ang mala-Bumblebee character nila na si Scooter ay nagiging... scooter. Relate, di ba?
Optimus Primal, Cheetor, Wheeljack at Arcee. Paramount Pictures
Kung dati ay mga Decepticons ang kaaway ng Autobots, dito sa Rise of the Beasts ay medyo nag-level up na ang kalaban. Imbes na si Megatron, ang kalaban ng Autobots dito ay ang mga Terrorcons - mga masasamang robot na sugo ni Unicron, isang napakalaking robot na kumakain ng planeta. Yes, mala-Galactus ng Marvel Comics ang peg ni Unicron na medyo unfair kasi favorite ko pa naman si Galactus.
Ang malupit pa kay Unicron, ang unang anyo niya ay isang mechanical planet - parang Deathstar sa Star Wars - pero nagta-transform din siya sa isang dambuhalang robot. Noong una kong makitang mag-transform si Unicron sa "Transformers: The Movie," talagang nakakamangha. Malupit din ang pagpapakita kay Unicron sa Rise of the Beasts kaya abangan niyo.
Simple lang ang kuwento ng Rise of the Beasts: dumating si Unicron sa isang planeta na tahanan ng mga beast-robots (hindi beast fighter, ibang palabas 'yun). Tumakas ang mga Maximals - mga robot na nagta-transform sa iba't ibang hayop - sa kanilang planeta dahil habol ni Unicron ang kanilang Transwarp Key - isang gamit na nakakapagbukas ng portal sa iba't ibang dimensions, parang Spider-Verse lang.
Sa planetang Earth naman, napilitan si Noah Diaz, isang electronics expert, na magnakaw ng isang Porsche para ibenta para may pantustos sa pamilya. Ang di niya alam, hindi pangkaraniwan na Porsche ang ninakaw niya kundi isang Autobot na si Mirage.
Nakita naman ng isang museum intern na si Ellena Wallace ang nawawalang TransWarp Key na nakatago sa isang estatwa ng lawin na may simbolo ng Maximals. Naglabas ng isang maliwanag na ilaw ang TransWarp Key, na nakaagaw-pansin sa mga Autobots pati na rin sa Terrorcons. Dito na nag-umpisa ang habulan at labanan ng dalawang koponan - parang Nuggets laban sa Heat - dahil kailangan ng Autobots ang Key para makabalik sa Cybertron habang ang Terrorcons naman ay gustong magbukas ng marami pang portals para makakain si Unicron.
Scourge at Battletrap. Paramount Pictures
Marami pang sumunod na pangyayari sa pelikula, kasama na dito ang nakakagulat na pagkamatay ng isang major character. Ang siste lang, dahil ito ay isang "prequel" na nagdudugtong sa pelikulang "Bumblebee" at ang mga naunang pelikula ni Michael Bay, alam mo na na imposibleng mamatay ang character na ito.
Hindi buo ang Transformers kapag wala si Bumblebee. Paramount Pictures
Nagulat at nasiyahan naman ako na hindi sila gumamit ng mga tao na army bilang mga character sa pelikula: wala nang mga kawawang sundalo na pagbabarilin ng mga salbaheng robot. Dito, ang makikita lang ay "full on robot violence" - bardagulan ng mga robot, kasama na rin sina Noah at Ellena (na importante din naman ang mga papel).
Nakakatuwa din na may bagong role na si Anthony Ramos na una kong napansin sa musicals na "Hamilton" at "In The Heights." Hindi kumanta at sumayaw si Ramos dito, pero OK na rin, di naman bagay sa istorya.
Kung may panghihinayang lang ako sa Rise of the Beasts, siguro kulang ng pokus sa Maximals. Ok naman na nandito ang mga paboritong robots - Optimus Prime, Bumblebee, Arcee, Wheeljack - at malupit din sila Scourge. Pero sana mas maraming oras pa ang binigay sa mga Maximals tulad nina Optimus Primal, Rhinox at Cheetor. Si Airazor lang - isang robot na nag-aanyong lawin - ang mahaba-haba ang oras.
Medyo paulit-ulit na rin ang ganitong mga istorya: May matinding banta sa Earth o sa Cybertron kaya dapat magtulong-tulong ang mga tao at Autobots para masugpo ito. Natawa lang ako sa ending ng pelikula na ito dahil mukhang pagsasamahin na nila ang Transformers at isa pang cartoons na sobrang sikat noong 80s. (Hindi Thundercats, hindi rin He-Man. Mas lalong hindi She-Ra.) Ibig sabihin, may susunod pa ulit na pelikula sa Transformers series. Ok na din, sana nga lang kopyahin nila 'yung storyline nung Dreamwave Studios series na ginawa ni John Ney Rieber at Jae Lee - kung saan napunta ang Transformers sa World War II. Para maiba lang.