Teleseryeng ‘Make It With You’ kanselado na

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2020 03:22 PM | Updated as of Jun 08 2020 09:27 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Ipinaliwanag ng director na si Theodore Boborol kung bakit hindi na babalik sa pag-ere ang “Make It With You,” ang primetime drama na pinagbibidahan nina Enrique Gil at Liza Soberano.

Nauna nang inanunsiyo ni Ogie Diaz, ang talent manager ni Soberano, sa isang Facebook post na hindi na muling eere ang teleserye.

Sa Twitter, sinabi ni Boborol na ang pagkansela sa serye ay bunga ng mga desisyon matapos ma-“double blow” ang ABS-CBN ng COVID-19 pandemic at cease and desist order ng Natioanl Telecommunications Commission.

Isang buwan na ang nakalilipas mula nang tumigil ang broadcast operations ng network dahil sa pag-expire ng prangkisa nito. Patuloy na dinidinig sa Kamara ang mga panukalang batas para sa franchise ng ABS-CBN.

“ABS-CBN was already badly hit by the pandemic, and then suffered a double blow when its renewal was not granted,” ani Boborol.

“Decisions had to be made and we respect and understand why it ought to be done,” dagdag niya.

Hindi man nagbigay ng statement sina Soberano at Gil, nagpa-trend naman ang netizens ng Twitter ng hashtag, at binalikan ang ilang eksena bilang pamamaalam sa serye.

Tiniyak naman ni Diaz na muling magsasama sina Soberano at Gil sa mga susunod na proyekto.

Ayon kay Boborol, kaya naman babalik ang mga Kapamilya series tulad ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” “A Soldier’s Heart,” at “Love Thy Woman” ay dahil nakapag-tape na ang mga ito ng mga episode bago pa ang krisis sa COVID-19.

Magbabalik ang mga serye simula Hunyo 13 sa Kapamilya Channel na mapapanood sa SKY, Cablelink, G Sat, at mga member-cable operator ng Philippine Cable Television Association. -- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.