Susan Roces, nagpabakuna kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2021 11:45 AM

MAYNILA -- Nabakunahan na kontra COVID-19 ang batikang aktres na si Susan Roces, ang tinaguriang Reyna ng Pelikulang Pilipino.

Ito ang kinumpirma ng nag-iisang anak ni Roces na si Senator Grace Poe-Llamanzares sa pamamagitan ng pagbabahagi niya ng retrato ng kanyang ina sa Instagram.

"Kung kaya ng nanay ko, kaya rin natin. Magpabakuna na," ani Poe na ginamit rin ang mga hashtag na #RESBAKUNA, #BidaSolusyon, at #VaccineWorks.

Si Roces, 79, ay pasok sa A2 priority group o mga senior citizens na binibigyang prayoridad ng gobyerno para mabakunahan.

Si Roces ang balo ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. o FPJ.

Sa ngayon ay parte si Roces ng sikat na seryeng "FPJ's Ang Probinsyano" na pinagbibidahan ng aktor na si Coco Martin.

Sa serye, ginagampanan ni Roces ang karakter ni Flora, ang mapagmahal na lola ng bidang karakter na si Cardo Dalisay (Martin).

Mapapanood ang "FPJ's Ang Probinsyano" sa Kapamilya Channel, CineMo, A2Z, TV5, TFC, Kapamilya Online Live, iWant TFC, WeTV, at iflix.

Si Roces ay isa lamang sa mga artista na nabakunahan na kontra COVID-19 tulad nina Coney Reyes, Dawn Zulueta at ang mag-asawang sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.

Related video:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.