Mr. International 2014 Neil Perez nagpapagaling pa matapos maaksidente

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2018 11:17 AM | Updated as of Jun 06 2018 06:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Namamaga pa ang kanang mata at hindi pa naghihilom ang mga sugat ng “gwapulis” at Mr. International 2014 na si Neil Perez nang humarap siya sa isang interview.

Noong Biyernes matapos manggaling sa isang fashion event sa Pasay, nakasakay si Neil sa kanyang motorsiklo papauwi sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila nang mahagip siya ng isang truck sa bahagi ng Delpan.

“May tatlong bata na naghatid sa akin sa bahay. Kuwento ng mga bata, nung paandar daw ako, may dumaan sa kaliwa ko na truck, iniwasan ko daw. Noong nakita nila na may kasunod na isa pang truck, pinigil nung tatlong bata 'yung truck tapos inalalayan ako ng mga bata,” kuwento ni Neil.

“Isinakay daw nila ako sa tricycle tapos sila ang nagtulak sa malaking motor ko. 'Yung mga bata mga 13 to 14 years old lang,” dagdag pa niya.

Nagpapasalamat si Neil at walang bali sa katawan at sugat lang ang kanyang nakuha sa aksidente.

“Ang number one talaga is naka-helmet ako kasi kung hindi ako naka-helmet, siguro hindi lang ito ang tama ko,” aniya.

Nagpapasalamat din si Neil sa bumuhos na mga mensahe sa kanya ng mga kaibigan at tagahanga sa social media.

“Ang hindi ko makakalimutan, 'yung pagmamahal sa iyo ng mga tao na hindi mo akalain. Paggising mo nandiyan sila. Pagbukas ko ng Facebook ko, nagulat ako. Ang dami pala nagmamahal sa akin,” ani Neil.

Ipinakita pa ni Neil ang kwintas na krus na lagi niyang dala sa biyahe.

Malaking milagro raw ito sa kanyang pagsisimula muli sa buhay. Ngayon ay hinahanap ni “gwapulis” ang tatlong bata na nagligtas sa kanya.

“Hinahanap ko sila. This July kasi mag-birthday ako. Plano ko magpa-charity sa mga bata. Hahanapin ko sila kapag magaling na talaga ako,” aniya.

Isang linggo pang magpapahinga si Neil sa trabaho at regular ang check-up para tuloy tuloy ang kanyang paggaling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.