ALAMIN: Saan mapapanood ang piling Kapamilya shows simula Hunyo 13

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 10:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Simula Hunyo 13, mapapanood muli ang mga piling Kapamilya shows sa TV Plus, ilang cable channels, sa Teleradyo, at iba pa.

Mangyayari ito higit isang buwan matapos patawan ng cease and desist order ang ABS-CBN dahil napaso ang prangkisa nito noong Mayo 4. 

Sa TVplus Black Box, mapapanood ang TV Patrol at "FPJ’s Ang Probinsyano" sa Cinemo. 

Ang "It’s Showtime" naman, ipapalabas sa Jeepney TV. Hahataw din sina Vice Ganda at ang kapwa hosts sa Sky Cable Channel 8 sa SD at Channel 167 sa HD. Mapapanood din ito sa Cable Link Channel 8, at G-Sat Channel 2. 

Itatampok din dito ang pagbabalik ng mga ABS-CBN programs na “ASAP Natin 'To,” “Magandang Buhay,” “Love Thy Woman,” at “A Soldier’s Heart.” 

Exciting din ang pagbabalik nina Lea Salonga, Bamboo, Apl.de.Ap, at Sarah Geronimo sa “The Voice Teens” 

Aabangan din ang mga bagong public-service program ni Judy Ann Santos na “Paano Kita Mapapasalamatan” at ang talk show ni Angel Locsin na “Iba Yan.” 

Kaabang-abang din ang highest-rating cable Koreanovela na “A World of the Married Couple.” 

Aabangan din ang paglabas ng Kapamilya Channel sa Iba pang miyembro ng Philippine Cable Television Association (PCTA) na pag-aari ng ibang kompanya at hindi sakop ng cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC). 

May live streaming at on-demand din ang Kapamilya shows sa iWant. 

Inaayos na rin ang pagbabalik ng Kapamilya shows sa The Filipino Channel. 

Mapapanood na rin ang newscast ng TV Patrol sa Teleradyo at ANC. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.