Liza Soberano muling inoperahan dahil sa nabaling daliri

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 06:19 PM | Updated as of Jun 06 2019 09:58 PM

Watch more in iWantTFC

Muling sumailalim sa operasyon ang aktres na si Liza Soberano sa Amerika dahil sa kaniyang nabaling daliri.

Sa video na in-upload ng manager ni Soberano na si Ogie Diaz, ikinuwento ni Soberano — na ngayo'y nasa Amerika — na dumaan siya sa operasyong tinatawag na internal fixation at nilagyan ng stabilizer ang kaniyang nabaling daliri.

"Nagkaroon ako ng bone infection tapos the doctor had to take out the titanium na nilagay noong nasa Philippines ako," sabi ni Soberano.

"Tapos after tanggalin, they had to put the stabilizer kasi hindi kaya ng bone na siya lang," anang aktres.

Dalawang buwan pa ang ilalagi ni Soberano sa Amerika dahil sasailalim pa siya sa isa pang operasyon, na umano ay ikaapat na operasyon na kaugnay ng kaniyang injury na tinamo sa pag-shoot ng isang eksena sa seryeng "Bagani." 

"Six weeks kailangan nandito 'yong stabilizer tapos 6 weeks din po ako mag-antibiotics," ani Soberano.

"Kailangan ma-make sure na totally wala akong infection before we do the second operation, which is pang-fourth operation ko na," dagdag niya.

Ang tinamong injury sa daliri ang dahilan ng pag-atras ni Soberano bilang bida sa pelikulang "Darna."

Pakiramdam ni Soberano ay hindi na siya makababalik pa sa proyektong "Darna" dahil sa mahabang panahong kakailanganin bago gumaling ang kaniyang daliri.

"Feeling ko hindi kasi ang tagal ng lahat ng pangyayari," ani Soberano.

Kasama ni Soberano sa Amerika ang kaniyang pamilya, at nobyo at on-screen partner na si Enrique Gil. --Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.