PatrolPH

Gregg Homan inaming naluha sa unang ultrasound ni Angelica Panganiban

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2022 10:42 AM

Mula sa vlog nina Angelica Panganiban at Gregg Homan]
Mula sa vlog nina Angelica Panganiban at Gregg Homan

MAYNILA – Inalala ng aktres na si Angelica Panganiban ang ilang tagpo nang una itong magpa-ultrasound kasama ang nobyong si Gregg Homan.

Sa kanilang vlog, naisingit nina Panganiban at Homan na ipakita ang clip habang nagpapa-ultrasound ang aktres ng kaniyang tiyan matapos malamang buntis na ito. 

Sa nasabing video, makikita na naiyak sa tuwa si Homan. 

Napunta sa ultrasound ang usapan habang nagluluto ang dalawa ng skillet-roasted lemon chicken para sa kanilang YouTube channel.

Nakisuyo ang Kapamilya star na ipaghiwa siya ng sibuyas ng nobyo na agad namang sinunod nito.

“Nakakaiyak yung sibuyas. Pero, alam mo ‘yung nakakaiyak? Nung nakita namin ‘yung first ultrasound namin. ‘Yun ang nakakaiyak,” kuwento ni Homan. 

Doon ipinakita ng dalawa ang nangyari sa unang ultrasound. Ginaya pa ni Panganiban ang “ugly cry” ng karelasyon habang inihahanda ang ilulutong manok. 

Noong nakaraang buwan, binalikan din ng dalawa sa isang vlog kung paano nagsimula ang kanilang relasyon sa Subic. 

Magdadalawang taon nang magkarelasyon sina Panganiban at Homan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.