PatrolPH

Coco Martin, labis ang pasasalamat sa suporta para sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2021 11:28 AM

MAYNILA -- Labis ang pasasalamat ng aktor na si Coco Martin sa lahat ng mga taong walang sawang sumusuporta at nagmamahal sa seryeng "FPJ's Ang Probinsyano." 

Nitong Biyernes, isang video ang ibinahagi ng Dreamscape Entertainment kung saan nagpahatid ng kanyang pasasalamat at pagmamahal sa mga manonood si Martin, bida ng sikat na serye.

"Sa lahat po ng mga Pilipino, maraming-maraming salamat po sa patuloy niyong panonood ng 'FPJ's Ang Probinsyano.' Kayo po ang dahilan kung bakit lalo pa po naming pinagbubuti ang aming trabaho. Maraming-maraming salamat po at mahal na mahal namin kayo," ani Martin.

Matatandaang walong gabi nang ipinapakita ng mga manonood ang patuloy na suporta sa "Ang Probinsyano" matapos magtala ang episode nitong Huwebes ng all-time high na 154,039 peak concurrent viewers sa Kapamilya Online Live ng ABS-CBN Entertainment YouTube channel. 

Ito ang kinumpirma ng Dreamscape Entertainment sa isang Instagram post nitong Huwebes ng gabi.

Sa pinakahuling episode, nagbuwis ng buhay ang mag-asawang sina Teddy (Joel Torre) at Virgie (Shamaine Buencamino) matapos silang maipit sa barilan sa pagitan ng grupo nina Cardo Dalisay (Coco Martin) at ni Renato Hipolito (John Arcilla).

Mapapanood ang "FPJ's Ang Probinsyano" sa Kapamilya Channel, CineMo, A2Z, TV5, TFC, Kapamilya Online Live, iWant TFC, WeTV, at iflix.

Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.