Mula sa Instagram ni Bearwin Meily at screenshot sa vlog ni Ogie Diaz
Sa unti-unting paglamlam ng kaniyang karera sa showbiz na sinundan pa ng pandemya, napaluha na lamang ang komedyanteng si Bearwin Meily nang ikuwento ang pagbenta sa kanilang pinangarap na bahay dahil sa pagkakakapos sa pera.
Sa inilabas na vlog ni Ogie Diaz, kinamusta nito sa Taytay, Rizal ang dating kasamahan sa sitcom na “Home Sweetie Home” sa itinayo nitong corn dog business na pinangalanan niyang “Corny Doggy.”
Ngunit nang usisain na ni Diaz ang mga pinagdaanan nito bago nagkaroon ng negosyo, bumuhos na ang luha ni Meily nang isa-isahin ang mga paghihirap bago pa man ang pandemya at kung paano ito unti-unting bumangon.
“Bago pa man mag-pandemic, tinamaan na ko. Bago pa naman mag-pandemic, hindi na ko nabibigyan ng chance sa TV. Huli natin yung ‘Home Sweetie Home,’” pag-amin ng komedyante.
Nang magkaroon ng COVID-19 maging ang mga raket nito ay naapektuhan na rin dahilan upang magkaroon ng problema sa pera.
Sa kaniyang pagkukwento, sinabi ni Meily na nabili nito ang dream house para sa kaniyang pamilya bago ang pandemic ngunit nasubok ito nang matalo sa halalan noong 2019 sa pagka-konsehal.
Dahil wala nang gaanong proyekto sa showbiz, bigo rin sa eleksyon, at tumama ang pandemya, inamin ni Meily na Diyos na lamang ang kaniyang nakapitan.
“Tumakbo akong konsehal dito sa Taytay. Hindi rin naman pinalad. So at first maghahagilap ka. Pero kapag wala ka nang aasahan dito, walang industriya, walang trabaho, hindi ka nanalo, so wala kang ibang kakapitan kung 'di ang Diyos,” emosyonal na sagot ng komedyante.
Lalo pang naiyak si Bearwin nang sabihin na nitong kinailangan nilang ibenta ang bahay dahil wala na silang pambayad.
“You surrender in a sense na kahit hindi mo matanggap na ibenta mo 'yong bahay mo, ibebenta mo, e. Binenta namin 'yong bahay namin. One thing, wala kaming pambayad. Kesa maremata ng banko, binenta ko,” saad nito.
Sa ngayon, nangungupahan na lamang sina Meily at kaniyang pamilya ngunit para sa kaniya, tila napaganda pa ito dahil hindi na nila masyadong iniisip ang malaking bayarin.
“Kumbaga, dati stressed na stressed ka, ngayon when you surrender everything sa Diyos, tanggap mo ‘yong sitwasyon na hindi ka na ngarag, naghahabol sa bayarin mo kasi wala ka nang malaking babayaran kasi nangungupahan ka na lang. Not like 'yung bahay na malaki. Naka-loan 'yon eh. Malaki talagang halaga,” dagdag pa niya.
Pero aminado naman ito na masakit pa rin kahit papaano para sa kaniya na tanggaping wala na ang kanilang dream house kung saan kasama pa nito ang mga anak na nagdisenyo.
Sa kabila ng mga dagok sa buhay, malaki ang pasasalamat ng komedyante na kumapit siya sa Diyos sa gitna ng mga paghihirap dahil aniya, nakita pa rin niya na hindi siya pinabayaan Nito.
“But where I am right now, it's really a big blessing compared to others. Napapaaral ang anak sa pagluluto,” pahayag ni Meily, na abala sa pagluluto ng kaniyang corn dog business.
“I always count my blessing. Every gising is a blessing. Kumpara sa iba, kahit kailan 'di tayo pinabayaan ng Diyos. What more can I ask for?”
Hindi rin naman nito ginawang humingi ng tulong sa mga kasamahan sa industriya kahit alam niyang hindi siya tatanggihan ng mga ito.
Ngunit kung mayroon man siyang isang kaibigan sa showbiz na masasabi niyang ni minsan hindi siya tinalikuran, si Bayani Agbayani ang naging sagot nito.
“Si Bayani kahit kailan hindi ako hinindian. Hindi ko hiningan ng pera 'yan. 'Di rin naman nagbigay ng pera 'yan pero every time I ask Bayani, patulong naman ako. Kaagad 'yan. Walang sabi-sabi,” ayon kay Bearwin.
Nais na pagtuunang pansin ni Meily ang kaniyang negosyo lalo pa’t marami na ang nagiging interesado para magka-franchise nito.
Related videos
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Bearwin Meily, Dream House, pandemic, corn dog, Tagalog News, Ogie Diaz, Ogie Diaz vlog