MANILA - Matapos ang mahabang panahon, inamin ng batikang aktres na si Lorli Villanueva na siya ay dinukot noong rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos sa ilalim ng batas militar.
Sa paglulunsad ng kanyang librong "Dancing With The Dictator" nitong Huwebes, ibinahagi ng aktres ang kanyang kuwento tungkol sa sapilitang pagkuha sa kanya.
"Kaya ang title niya ay 'Dancing with the Dictator' kasi naman nag-dancing-dancing kaming dalawa. At pagkatapos ng episode na iyon, madami [ang] nag-chismis na ako ay naging chicks ni Marcos. Ang tipo niya ay white leghorn, di ako ang tipo niya," paunang kuwento niya.
"Ang pinaka-highlight para sa akin sa book na iyan, aside from my encounter with him which I would call a kidnap kasi kinuha ako against my will... Para sa akin although it's mentioned briefly in the book is the fact that there's no Marcos book out about martial law that ever mentions the nuclear plant. This book mentions the nuclear plant because that's the reason na parang pina-kidnap niya ako. Actually invitation ang tawag, iniimbita ka sa Malacañang. Ganoon iyon noong araw. Tanggi ako nang tanggi dahil alam mo naman, aktibista tayo nung araw.
"Na-detain ako. Pero di sekreto na ang asawa ko ay dating general ni Marcos kaya makulong man ako, isang minuto lang lalabas na naman ako. To make my long story short, my family suffered [during] martial law... In the end, dahil ako ay iniimbitahan pumunta sa Malacañang at ayaw ako nang ayaw, pinuwersa akong pumunta. In-escort ako at doon nag-umpisa ang 5 days ko with the President."
DETALYE NG PAGDUKOT
Sa kanyang libro, idinetalye ni Villanueva na taong 1974 nang maganap ang pagdukot sa kanya ng mga tauhan ni Marcos.
Ayon kay Villanueva, sa set ng isang pelikula siya inabangan ng mga tauhan ni General Fabian Ver.
Lulan ng sasakyan ng Metrocom, dinala siya sa pier kung saan nakadaong ang barko ng Pangulo. Sinalubong siya mismo ni Marcos, isang Amerikanang kasama nito at ang scientist na si Dr. Max Goldberger mula sa Alemanya.
Si Goldberger ay unang nakilala ni Villanueva sa nangyaring flight demo ng kauna-unahang Airbus 300 sa bansa noong taon ding iyon, Hunyo 3. Noong gabing iyon, sa barko ng pangulo ay inamin niya ang kanyang interes sa aktres.
Limang araw ang inilagi ni Villanueva sa barko na dumaong sa Bataan kasama ang Amerikana at si Max na hindi naman ipinilit ang sarili nito sa kanya.
Matapos ang huling araw niya kasama si Marcos ay ligtas siyang nakabalik ng Maynila.
Pero paglilinaw ni Villanueva, kahit pa masakit sa kanya ang pwersahang pagkuha sa kanya ay napatunayan niyang hindi naman ganoon kasama ang dating pangulo.
"God must be on my side when I found out that the President is not so bad after all. He's a very charming person against everybody's 'ganito, ganyan si Marcos.' I'm talking about him as a human being, actually mabait siya," paliwanag niya.
"Actually I found out that he had a heart and pinaliligawan niya ako sa scientist ng nuclear plant... We became friends and I still have my pain over being taken against my will, which turned out nicely but I did not become a friend in those 5 days. And he offered me everything, even to run a TV station. I said no to all, because I do not believe in his martial law. So magkaibigan kami pero I do not believe in martial law and that remains."
Ang buong kwento ni Villanueva sa kanyang karanasan ay nasa kanyang libro.
Maliban sa "Dancing With The Dictator," inilunsad din ni Villanueva ang isa pa niyang libro na "Living and Experiencing the Realms of the Unknown."