Jed, muling humingi ng tawad sa fans ni Britney Spears

ABS-CBN News

Posted at May 30 2018 11:58 AM

MANILA -- Muling humingi ng paumanhin ang mang-aawit na si Jed Madela sa mga tagahanga ng American pop star na si Britney Spears.

Ito ay matapos niyang ikumpara sa ilang hayop ang boses ni Britney sa "Your Face Sounds Familiar Kids."

Sa "Umagang Kay Ganda" nitong Miyerkoles, iginiit ni Jed na hindi niya sinasadyang masaktan ang mga tagahanga ni Britney. Aniya, nais lang niya maintindihan kaagad ng batang aktres na si Krystal Brimner kung ano ang dapat niyang gawin para magaya ng maigi si Britney para sa programa.
 

"Nasa zoo kami noon so 'yung style ng pagturo namin dapat ay i-relate namin 'yung tunog ng icon na kokopyahin nila sa mga animals," ani Jed.

"Medyo na-offend 'yung fans ni Britney Spears, sorry po sa inyo. Kasi medyo na-hurt sila sa pag-compare ko sa boses ng kanilang idol sa mga animal. Sorry po, pero of course we didn't mean it na maka-offend. Para lang mapadali, na maintindihan ng kids kung paano kopyahin ang tunog ng boses," dagdag ni Jed.

Ayon kay Jed, sa ngayon ay natutuwa siya sa galing ng performances ng mga bata.

"So far lahat ng experience namin sa 'Your Face' ngayon ay magagaling sila lahat at lahat sila ay gustong-gusto nila ang ginagawa nila," ani Jed.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.