Anji, Brenda, Samantha pasok sa Big 5 ng ‘PBB’

ABS-CBN News

Posted at May 27 2022 10:27 PM

Mula sa Kapamilya Online Live
Mula sa Kapamilya Online Live

Sinelyuhan ng tatlong celebrity housemates ang kanilang posisyon sa Big 5 ng nalalapit na pagtatapos ng “Pinoy Big Brother” Kumunity Season 10 nitong Biyernes.

Matagumpay na napanalunan nina Anji Salvacion, Brenda Mage, at Samantha Bernardo ang tiebreaker match kontra sa teen housemates na binubuo nina Gab Skribikin, Stephanie Jordan, at Rob Blackburn. 

Para sa huling hamon, kinailangan ng dalawang grupo na gumawa ng isang tulay gamit ang wooden planks na ipapatong sa wooden beam. Dito ipagugulong ang isang bola na dapat mai-shoot sa basket. 

Salitan ang mga housemate sa pagpapagulong ng bola sa loob ng isang oras kung saan ang pinakamaraming maihulog na bola ang siyang mananalong grupo. 

Nakapagtala ng 12 puntos ang celebrity housemates habang tatlo lamang ang nagawa ng teen housemates. 

Bago ang tiebreaker game, naipanalo ng celebrities ang huling “kumuni-test” nang makapagbalanse ng 30 wooden blocks sa isang nakasabit na platform upang makatabla ng iskor sa teens. 

Dahil dito, dalawang posisyon na lamang ang nalalabi para sa Big 5 kung saan tig-isa mula sa grupo ng teens at adult housemates ang kukunin.

Dadaanin sa botohan ng taumbayan ang pipiliing makapasok sa Big Night ng reality series.