John Arcilla, may panawagan para sa Araw ng Watawat

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 11:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Isang araw bago ang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Watawat o National Flag Day, ibinahagi ni John Arcilla ang kanyang suporta sa Salute To A Clean Flag Movement (STACF).

Para kay Arcilla, ang watawat ay "simbolo ng pagkakaisa ng mga Filipino."

"Dapat ay iniingatan natin siya kung paano natin iniingatan ang ating sarili, kung paano natin dapat iginagalang ang ating mamayan at kung paano natin gustong magkaisa bilang isang lipi at isang bansa. So dapat hindi lang siya tinitingala kung hindi iniingatan at sinisinop," paliwanag ni Arcilla sa "Umagang Kay Ganda" nitong Lunes.
 
Para sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Watawat, panawagan ng STACF na isantabi muna ang pagkakaiba-iba.

"Sana tayong lahat ay magkaisa, kahit isang minuto lang, tumindig at tumingala bilang isang bansa, sumaludo, huminto para sa bayan, as one. 'Yan ang panawagan ng Salute To A Clean Flag," ani Arcilla na kilala sa kanyang pagganap bilang Gen. Antonio Luna sa pelikulang "Heneral Luna."

Mayo 28, 1898 naganap ang Battle of Alapan, ang unang military victory ni Emilio Aguinaldo noong siya ay bumalik sa Pilipinas mula Hong Kong.

Ito rin ang unang beses na iwinagayway ang watawat ng Pilipinas.

Para sa pagdiriwang ng National Flag Day sa Martes, Mayo 28, ay magaganap ang simultaneous flag-raising ceremony sa bansa kasama ang National Historical Commission at Philippine National Police. 

"Magkakaroon ng sabay-sabay na pagpugay sa watawat habang tayo ay umaawit ng ating pambansang awit Lupang Hinirang. ... Alas otso ng umaga bukas ay sasaludo sa ating watawat. May sirena o horn na manggagaling sa radio at telebisyon bago ang flag-raising," ani John.