Tirso Cruz III, bilib sa galing ni Angel Locsin sa 'The General's Daughter'

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 11:51 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sa mga maiinit na eksena sa "The General's Daughter," labis na ipinagpapasalamat ni Tirso Cruz III ang kanyang karakter bilang Santiago Guerrero, ang kontrabida sa buhay ni Rhian Bonifacio na ginagampanan ni Angel Locsin.

Kuwento ni Tirso, ramdam niya ang epekto ng kanyang masamang karakter sa reaksiyon ng publiko sa kanya.

"Madalas, maraming nagagalit na followers ni Angel. Pero mostly nakakatuwa sa kanila. Minsan sa mall, biglang-bigla [akong sasabihan], 'Ikaw, napakasalbahe mo.' Tapos biglang [sasabihin nila], 'Pakuha kami ng picture,'" aniya. 

Dagdag ni Tirso: "Tapos sasabihin ko, 'Eh bakit ka papa-picture sa akin eh salbahe ako?' [Sasabihin nila] 'Eh hindi, alam ko naman na sa show mo lang 'yon.' So basically nakakaapekto ako sa kanila."

At dahil madalas na nakakasama niya si Angel, inilarawan din ni Tirso kung paano niya nakikita ang aktres sa bawat batuhan nila ng linya.

"Si Angel nakakatakot, she morphs into something. Usually ako pagdating sa set, minsan I go out of my way, pupunta ako sa tent niya. Minsan aabutan ko 'yan when she's having lunch or merienda with the other crew or staff, at babati ako. Ano 'yan, she's so lovable, she's so sweet. She looks after everybody," aniya.

Kung mabangis ang pagkatao ng karakter ni Angel, malayong-malayo naman daw ito sa tunay niyang personalidad.

"Kapag 'yung trabaho na, talagang nag-iiba ang karakter niya, ang pagkatao niya. Makikita mo right before your very eyes, makikita mo nagmo-morph siya into Rhian. After that, biglang pag-turn, si Angel na naman," aniya.

Sa ngayon ay gabi-gabing napapanood sina Tirso at Angel sa "The General's Daughter."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.