Karla, Jolina at Melai, balik-trabaho sa ‘Confessions with Momshies’

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 01:06 PM

MAYNILA — Balik-trabaho sina Karla Estrada, Melai Cantiveros at Jolina Magdangal para sa pinakabagong online show na “Confessions with the Momshies.”

Nitong Biyernes, ipinalabas na ang ang unang episode ng bagong programa sa oks.abs-cbn.com, ABS-CBN YouTube channel at ABS-CBN Facebook page.

Pag-amin ng tatlo, masaya silang makabalik para makinig at makausap ang mga manonood, lalo na ang mga ina na may pinagdadaanan ngayong panahon ng lockdown.
 
Paliwanag ni Jolina, magkaiba ang “Magandang Buhay” at bago nilang online show, dahil sa “Confessions with the Momshies” ay maari nilang talakayin ang kahit anong bagay.

“Dito sa ‘Confessions with the Momshies’ kahit anong kuwento ang gusto niyong sabihin ay pakikinggan namin 'yan at pag-uusapan natin,” paliwanag ni Jolina.

“Dahil dito sa ‘Confessions with the Momshies’ napakalawak na nang puwede nating pag-usapan under the sun. Kaya naman 'yung pinakatatago niyong sekreto, nararamdaman niyong sama ng loob, lalo na ngayong panahon ng quarantine, puwede niyong ilabas dito,” hirit na paliwanag ni Melai.

“No judgment tayo dito sa ating (bagong show) dahil safe space na ito at siyempre mga mature naman na tayo mga momshies,” dagdag ni Karla.

Patikim na confession ni Melai, dahil quarantine at magkasama sila palagi ng asawang si Jason, minsan ay nauuwi sa pag-aaway ang kanilang pag-uusap.

“Talagang itong quarantine ‘di maiiwasan na magkainitan kayo. So [usapan namin nauuwi] hanggang sa mag-away na kami. Walkout na ako, nag-away na kami. Pero naging okay naman in the end. Natulog lang nang hindi magkatabi ng ilang days. Charing lang! So 'yun 'yung confession ko,” ani Melai.

Matagal na namang pangyayari sa kani-kanilang buhay pag-ibig ang ibinahagi nina Jolina at Karla.

“Dumating kasi sa point sa akin alam mo sobrang bumaba ang self-esteem ko na ayaw ko na lumabas ng bahay dahil itong si ex matagal na matagal na ito. Bagong gupit kasi ako, siyempre tayong mga girl kapag bagong gupit, tingin tayo nang tingin sa salamin. Sabi ba naman sa akin, ‘So anong feeling mo, maganda?’ Akala ko nagjo-joke. Hindi. Ilang beses niyang sinabi. Parang na kuwestiyon ko tuloy ang sarili ko. Ayaw ko na lumabas ng bahay at nagka-breakout, breakout na 'yung mukha ko at hindi ko maintindihan. Naapektuhan ako talaga. Kasi sino pa ang maga-uplift sa iyo kung hindi love life mo, hindi ba?” kuwento ni Jolina.
 
“Yung sa akin naman, alam mo 'yung kutob na may babae na. So kinakasama ko, may anak kami. Hanggang sa 'yung kutob na 'yon napatunayan mo na mayroon talaga. Ang ginawa ko isang silent war. 'Di ko ipinaalam na alam ko na, hindi ko sinabi na nate-text na 'yung babae sa akin na parating siya sa probinsiya na 'yon tomorrow. So ang paalam sa akin ay papunta siya roon bukas. 'Yung pag-alis niya nung umaga na 'yon, 'yung pagka-text niya na naka-land na siya sa probinsiya na 'yon, kumilos na kaming lahat. Dinala ko lang 'yung kaya kong dalhin, una kong binitbit siyempre mga anak ko. Kasi kapag ikaw ay talagang binigyan mo ng importansiya ang sarili mo, walang imposible magagawa mo talaga lahat. So 'yung text niya na ‘okay’ na lang ang the last niyang na-receive. That was the last message na nakuha niya sa akin until naging okay kami after so many years. Binibigay natin ang best natin, ang lahat natin kapag nagmahal tayo pero hindi mo vinalue (pinahalagahan) so babu (paalam),” kuwento naman ni Karla na ngayon ay masaya sa kanyang bagong karelasyon.

Sa programa, maliban sa palitan ng kuwento ay pinapakinggan at pinag-uusapan din ang confessions na ibinabahagi ng ilang Kapamilya viewers.

Narito ang unang episode ng “Confessions with Momshies” nina Karla, Jolina at Melai.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.