Awra, inaming iniyakan ang pag-alis sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 01:55 PM | Updated as of May 22 2019 02:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Aminado si Awra o McNeal Briguela sa totoong buhay na iniyakan niya ang pagkamatay ng kanyang karakter sa "FPJ's Ang Probinsyano."

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Awra na inilihim niya ang lungkot na naramdaman mula sa mga kasama niya sa serye sa huling araw ng kanyang taping noong Marso 26, araw mismo ng kanyang kaarawan.

"Kasi nahihiya akong umiyak sa harap nila," ani Awra.

Aniya, nailabas niya ang lungkot noong kunan ang pagkabaril sa kanyang karakter na si Makmak.

"Pero nung time na kinuhaan na binaril ako ay umiyak po ako noon. Kasi nasanay po ako na habang lumalaki sa industriya, tumatagal, sila po 'yung laging nag-a-advice sa akin palagi. Tapos kapag may nagiging problema ako, isa rin po sila sa tumutulong na i-solve ang problema ko. Kaya ang hirap talaga na mawala sa 'Ang Probinsyano,'" ani Awra. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Aminado rin ang aktor na hinahanap-hanap niya ang taping ng "Ang Probinsyano."

"Siyempre po, sobra. Noong time kasi na pumasok ako sa 'Ang Probinsyano' first day ko po ay birthday ko po, March 26. Noong last day ko po roon ay birthday ko rin po, March 26. So parang sakto 3 years po. Nung time na kinuhaan ako sa loob ng kabaong, nung time na kinuhaan 'yon birthday ko po at inere rin po," ani Awra.

"Parang nakakalungkot po kasi parang nakasanayan ko na 'yung araw-araw kong kasama sa taping (tapos) hindi ko na sila masyadong makikita, parang sa ibang project na," dagdag ni Awra.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.