Moira, itinanggi ang tensiyon sa pagitan nila ni Regine

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 12:24 PM | Updated as of May 21 2019 10:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sa patuloy na paghahanap ng unang “Idol Philippines,” binigyang linaw ng isa sa mga judge ng palabas na si Moira dela Torre na maayos sila ni Regine Velasquez na isa ring judge ng reality singing franchise.

Kamakailan, naging usapan ang tila nabuong tensiyon sa pagitan nina Regine at Moira dahil sa pagkakasunod-sunod ng idol hopeful na ang peg ay ang singing sound ni Moira.

Kuwento ni Moira sa pagpapatuloy ng auditions, pahirap ng pahirap ang kanilang trabaho sa pamilili ng deserving singer para tawaging "Idol Philippines."

“Ang dami po kasi nila na sobrang galing. Actually lahat sila magaling to the point na hirap na hirap kaming lahat,” ani Moira.

Nilinaw pa ni Moira na hindi scripted ang mga hindi pagkakaintindihan sa pagitan nilang mga judge.
 
“Totoo naman po. Kasi sunod-sunod sila, hindi ko nga alam kung sunod-sunod din pinakita ‘yung auditions, na sunod-sunod sila na ako 'yung influence o parang same sound. So noong pangtatlo na, nagtago na ako, sabi ko alam ko na sasabihin mo. But after every taping, we’re so light and masaya po kami sa set,” ani Moira.
 
Dahil kilala rin bilang produkto ng talent search, ramdam ni Moira ang nararamdaman ng hopefuls tuwing sila ay naliligwak sa auditions.
 
“Alam ko ‘yung feeling na ma-reject, ilang beses din akong na-reject. So ang dali lang po na i-encourage sila lalo na nung mga nag-eliminate na kami," ani Moira.
 
Dito, nagbigay saloobin pa si Moira sa mga aspiring singers na tila nagiging peg siya sa pagkanta.

“Alam ko din po na unconscious ‘yun pero kahit po ako noon, naging influence ko si Brooke Fraser, naging ka-boses ko siya for a while. Si Sara Bareilles, naging ka boses ko din siya and si Nora Jones. It just took one person, two people to believe in me and give me a chance and eventually I found my own sound," pahayag pa ng singer.

Bukod sa “Idol Philippines,” naghahanda na rin si Moira para sa kanyang upcoming “Braver” concert at album launch na gaganapin ngayong 2019.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.