Heaven, inaming itinago ang panliligaw sa kanya ni Jimuel Pacquiao

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 12:26 PM | Updated as of May 21 2019 12:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Inamin ng aktres na si Heaven Peralejo na itinago niya noon ang panliligaw sa kanya ni Jimuel Pacquiao, anak ni boxing champ Manny Pacquiao.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, mas naging bukas si Heaven sa relasyon nila ni Jimuel at inamin na "pressure" ang dahilan kung bakit itinago niya noon ang panliligaw ng binatang Pacquiao.

"Na-pressure ako. Kaya itinago namin for a while habang nanliligaw po, habang hindi pa sure. Sabi ko, 'Atin na lang muna,' (may) privacy na lang muna. Kasi ayaw ko rin naman na ang daming masabi ng mga tao at hindi ko rin maiiwasan 'yon," ani Heaven.

"So parang mas gusto kong i-cherish na lang kung ano ang mayroon kami at hindi siya ano sa public eye," dagdag ng aktres.

Ayon kay Heaven, isang taon din umabot ang panliligaw sa kanya ni Jimuel.

"Ako kasi po gusto kong makita 'yung effort. At saka naghihintay din po ako ng sign, naghihintay din po ako na ready ako. Kasi siyempre ayaw kong pumasok sa first relationship ko na nagmamadali," ani Heaven, 19.

Nang matanong kung boto ba ang ina niya kay Jimuel, sagot ng aktres: "Pinaghirapan po ni Jim, kasi first time po. I mean ewan ko, talagang niligawan niya 'yung both families ko, sa both parents ko. Isipin niyo 'yon dalawang pamilya po 'yon, so talagang pinaghirapan niya 'yon. Nagbigay siya ng oras sa mom side, nagbigay siya ng oras sa dad side."

Matatandang inamin noon Heaven na hiwalay na ang kanyang mga magulang. 

Kuwento pa ni Heaven, kita niya ang malinis na intensiyon sa kanya ni Jimuel sa kung paano ito makitungo sa kanyang mga magulang.

Nito lamang Marso inamin ni Heaven at Jimuel ang kanilang relasyon.

Kuwento ng dalawa, sa isang mall sila unang nagkakilala kung saan nagpa-picture si Jimuel at iba pang miyembro ng pamilya Pacquiao sa dating "Pinoy Big Brother: Lucky 7" teen housemate.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.