PatrolPH

Gloc-9, nagbalik-tanaw sa pagtatapos niya ng kursong Nursing

ABS-CBN News

Posted at May 20 2021 11:04 AM | Updated as of May 20 2021 01:38 PM

MAYNILA -- Isang pasasalamat ang ipinaabot ni Gloc-9 sa kanyang mga tagahanga dahil sa natupad niyang pangarap na maging isang rapper.

Sa Instagram nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Gloc-9 ang kanyang retrato nang magtapos siya ng kursong Nursing, higit isang dekada na ang nakakaraan.

Ayon kay Gloc-9, kahit pa tapos siya ng Nursing ay mas pinili niya pa ring sundan ang nais ng kanyang puso na mag-rap.

"11 years ago today nag-graduate ako sa kursong Nursing kahit napalapit ako sa propesyong ito dahil sa puso at koneksyon mo sa tao mas pinili ko pa rin ang rap," ani Gloc-9.
 
"Napatunayan ko din na kung mahal mo ang pipiliin mo hindi ka magkakamali. Pero alam ko din na hindi ako habang buhay magra-rap," dagdag ni Gloc-9.

Ayon kay Gloc-9 batid niyang hindi panghabambuhay ang kanyang karera sa musika. At kung darating ang panahon na babalik siya sa kursong kanyang tinapos, nais niyang magpasalamat sa lahat ng mga taong tumupad na ng kanyang pangarap.

"Darating din ang araw na babalik din ako sa kung ano ang tinapos ko. Kung mangyayari man 'yun, gusto kong magpasalamat ng lubos dahil tinupad ninyo ang pangarap ko," Gloc-9.

Isa si Gloc-9 o Aristotle Pollisco sa totoong buhay sa kinikilalang rapper sa bansa. Siya ang nagpasikat ng mga awiting "Lando," Sirena," "Simpleng Tao" at "Upuan."

Matatandaang 2003 nang ilabas ng Star Music ang album ni Gloc-9 na "G9." Sinundan ito ng "Ako Si..." noong 2005. Noong 2016, sa ilalim ng Star Music ay inilabas ni Gloc-9 ang kanyang album na "Sukli."

Nito lamang Pebrero ay inilabas ni Gloc-9 ang kanyang album na "Poot at Pag-Ibig" sa kanyang YouTube page.

Related video:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.