Hindi na nagpaliguy ligoy pa si Sen. Robin Padilla sa kanyang pagtitiyak na ititigil na niya ang kanyang movie career kapalit ang paglingkod sa gobyerno.
“Mahalaga sa akin magtrabaho na ako para pagtuunan ang mga reporma sa batas,“ sabi ni Padilla sa ABS-CBN News kasunod ng kanyang proklamasyon sa PICC Miyerkoles ng gabi.
Buhos ang ulan sa paglabas niya ng venue pero nagpaunlak si Padilla sa TV Patrol.
Last hurrah ni Padilla ang nabinbing niyang movie project tungkol sa Marawi bago niya harapin full-time ang trabaho sa Senado.
“Last movie ko na yon,“ pagdiin ni Padilla. “Mananatili na lang yung show ko sa TV. Pero sa showbiz, last ko na ‘yon.”
May working title na “Mistah 2”, ang pelikula’y inumpisahan nung 2018 pero naantala dahil sa pagbabago sa istorya, gayundin sa pandemya.
“Hindi puedeng di matuloy yon kasi marami nabitin dun, nagkapandemya, nag-umpisa pa kampanya kaya di agad puedeng gawin,“ lahad ni Padilla.
“Kailangang gawin yon kasi history natin yon.”
Involved din sa pelikula ididirehe ni Oliver Robles ang anak na filmmaker ni Padilla mula Australia na si Cherilyn Padilla.
Samantala, iginiit ni Padilla na walang isyu ang paglipad ng misis niyang si Mariel Rodriguez sa Spain kasama ang kanilang mga anak pagkatapos ng halalan.
Inasahan din kasi ng mga dumalo ng senate proclamation ang pagdalo ni Rodriguez.
Sinamahan si Padilla ng kanyang mga kapatid na sina Rommel, Rema, Ricci, mga kaibigang sina Philip Salvador, Nadia Montenegro, MP Jam Ramos at iba pa. Nagsilbing kinatawan ni Rodriguez ang kapatid niyang si Kay Termulo-Garcia.
“Plano namin ni Mariel magbakasyon talaga e nag number 1 tayo so sabi ko I have to do my homework,“ paglinaw ni Padilla.
“Sabi ko kay Mariel, ikaw na muna bahala sa mga bata. Nagpi-pilgrimage talaga kami sa Spain para alam ng mga anak ko kung saan galing ang pamilya Padilla.”
Gusto din sana ng first time senator na makasama ang pamilya sa Spain pero gahol na siya sa panahon.
Madamdamin din ang saludo Padilla sa pagtaguyod sa kanya ng misis, pati na ang kanyang inang si Eva Cariño. “Nagpapasalamat ako sa ermats ko dahil may basbas siya. Si Mariel, my queen, siya lahat ang nagkumpas sa loob ng digmaan kung ano gagawin namin, siya lahat, sa posters, t-shirts pati oras at gastos.”
Sa harap ng rigodon sa senado, tumanggi munang sabihin ni Padilla kung sino ang napupusuan niyang bagong senate president pero tinukoy niya ang mga komite na gusto niyang pamunuan. Ito’y ang constitutional reform, defense at security.
Hindi pa rin makapaniwala si Padilla na maluluklok siya bilang number 1 elected senator base sa dami ng boto.
“Everyday kinukurot ko sarili ko; tinitingnan, iniisip ko kung pangalan ko nga ba ang andun,“ kwento ng aktor. “Akala ko puede na number 10 o 11 o 12 lang ako. Pero dahil nauna ka, maraming nabago sa akin. Bigay na ito ng panginoon! Napalaking responsibilidad na magsilbi sa bayan.”
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.