PatrolPH

Awra, ipinagluluksa ang pagpanaw ng kanyang lolo

ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 11:31 AM | Updated as of May 18 2020 01:58 PM

MAYNILA — Ipinagluluksa ni Awra Briguela ang pagpanaw ng kanyang lolo na si Victor.

Ibinahagi ni Awra ang malungkot na balita sa Instagram nitong Mayo 16. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by awra (@awrabriguela) on

Ayon kay Awra, masakit ang biglaang pagpanaw ng kanyang lolo na tinatawag niyang Tatay Victor.

“Hindi ko alam pa'no uumpisahan to, hindi ko alam ano pang mga susunod, hindi ko alam pa'no ulit babangon, hindi ko alam kung anong gagawin ko. Bakit kasi ngayon pa? Bakit iniwan mo kami tatay," ani Awra.

"Hindi ko lubos maisip lahat ng nangyari. Bago ka dalhin sa hospital nangako ka sa 'kin, nag-promise ka sa 'kin na magpapagaling ka. Kinabukasan agad kitang dinalaw. Pagdalaw ko malakas ka pa, sumenyas ka sa 'kin na okay ka na, uuwi na tayo. Bakit kahapon at kanina biglang naging irregular vitals mo? Biglang bumigay puso mo. Ilang beses ako lumapit sa 'yo at hinawakan ang kamay mo habang kinakausap ka, bakit hindi ka na nasagot? Nangako ka sa 'kin di ba? Nagpromise ka na uuwi tayo di ba? Sabi mo sa 'kin bago ka dalhin sa hospital ‘wag mo kong pababayaan.’ Ginawa ko naman 'yun tatay. Sabi ko sa 'yo ako bahala sa lahat

"May pangako pa ko sa inyo ni nanay. Sobrang sakit makita kang nahihirapan pero mas masakit malaman na kami ay iniwan mo na,” ani Awra na inalala ang pagpapalaki at mga aral na itinuro ng kanyang lolo.

“Lagi kitang nasa dasal. Lagi kong hiling na maging okay ka. Kahit ako na lang 'yung mahirapan, 'wag na kayo ni nanay. Okay lang sa 'kin," dagdag ni Awra.

"Simula bata ako ikaw 'yung nagturo sa 'kin maging matapang at maging siga. Kaya nung nahihirapan ka binabalik ko sa 'yo 'yun. Sabi ko sa 'yo, ‘Matapang ka, kaya mo 'yan.’ Alam kong ginawa mo lahat, alam kong lumaban ka hanggat kaya mo. Sobrang sakit tatay ko hindi ko pa natutupad pangako ko sa 'yo. Pero 'yung sinabi mo sa 'kin na ‘wag mo kong pababayaan’ kay nanay ko na lang gagawin. Aalagaan ko si nanay.

"Lagi mo sana kaming gabayan, 'wag na 'wag mo kaming pababayaan. Alam kong may rason ang Panginoon bakit nangyayari 'to. Sunod-sunod problema, walang katapusang problema, panibagong bigat na naman ang madarama. Lahat kakayanin ko kasi alam kong kasama kita. Siguro tatay oras mo na talaga kasi kitang kita naming lahat kung gaano ka katapang. Ilang beses kang lumaban pero bumigay na talaga 'yung katawan mo e. 

"Sa totoo lang hindi ako makapaniwala. Hindi ko alam gagawin ng wala ka. Pero kailangan kong maging matapang at matatag para kay nanay. Alam kong alam mo kung gaano kita kamahal, sobrang mahal na mahal ka naming lahat. Salamat sa lahat lahat, tatay. Hinding hindi kita makakalimutan. Salamat sa lahat ng suporta at pag mamahal na binigay mo,” dagdag ni Awra.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.