Kaye Abad, aminadong miss na ang showbiz

ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 11:30 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

MANILA -- Aminado si Kaye Abad na nami-miss na niya ang showbiz.

Sa "Magandang Buhay" sa Cebu, kasama ang kanyang asawang si Paul Jake Castillo, sinabi ni Kaye na hinahanap-hanap na niya ang pag-arte.

"Hindi ako nahirapang iwan [ang showbiz], pero nami-miss ko na," paunang sabi ni Kaye.

"'Yung pag-arte, kapag nanonood ako ng teleserye, sasabihin ko parang nami-miss ko na. Iniisip ko kung paano na kaya sila sa taping," dagdag ni Kaye na naninirahan na ngayon sa Cebu.

Samantala, hindi naman napigil ni Kaye na maging emosyonal habang binabasa ang sulat mula sa kanyang inang hinahanap-hanap na rin siya.

"'Yun ang lagi kong sinasabi sa kanya, na huwag siyang malungkot kasi malapit lang naman ang Cebu at anytime puwede silang pumunta, and nakakauwi rin naman ako ng Manila. Alam niya 'yon, na huwag siyang mag-worry sa akin dito kasi okay ako dito... Lagi kong sinasabi sa kanya na okay ako," aniya.

Sa ngayon ay abala si Kaye sa pag-alaga sa kanyang limang-buwang anak na si Pio Joaquin.

"Totoo na siya, hindi na siya taping na may unan ako sa tiyan," ani Kaye tungkol sa anak na sagot sa kanyang panalangin.

Ayon kay Kaye, plano na niya na masundan agad si Pio at magkaroon naman ng baby girl.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.