Iginiit ni Kathryn Bernardo na tanggap niya ang kaniyang pagiging sakang sa kabila ng paulit-ulit na paggamit nito ng kaniyang bashers sa social media laban sa kaniya.
Sa inilabas na video ni Bernardo ngayong Linggo sa kaniyang YouTube page, sinagot ng 24-anyos na aktres ang mga “mean comment” o masamang komento ng mga netizen tungkol sa kaniya, kasama na ang pagpuna sa kaniyang pagiging sakang.
Inamin ni Bernardo na ang mga komento tungkol sa pagkasakang niya ang isa sa mga dahilan kung bakit inalis din niya ang comments section sa kaniyang Instagram page, pero kalaunan ay natutunan na niyang tanggapin ang panlalait ng mga tao.
“Bakit ko inalis ‘yong comments section sa Instagram? Kasi feel ko grabe ‘yong negative energy, ang daming time talaga ng bashers, but ngayon talaga hindi na ako nabo-bother,” ani Bernardo.
“Over the years, natutunan kong tanggapin ‘yong legs ko... wala eh parte siya ng pagkatao and before, sobrang insecurity ko ito,” dagdag niya.
Ayon kay Bernardo, tinulungan siya ng nobyo at on-screen partner na si Daniel Padilla para madaig ang insecurity sa pagiging sakang.
“Na-realize ko lahat tayo imperfections so siguro nagkataon sa'kin binigay ni God 'yong legs ko,” ani Bernardo.
“Hindi naman ako makukulong sa pagkasakang ko. So I love my legs and si DJ (Daniel) love din legs ko,” aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Kathryn Bernardo, vlog, celebrity vlog, mean comments, Daniel Padilla, TV Patrol, Mario Dumaual