Toni Gonzaga, nagulat sa pagpapatuloy ng 'Home Sweetie Home'

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 12:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Isa-isang naglakad sa red carpet ang lead cast ng sitcom na "Home Sweetie Home: Extra Sweet" sa kanilang media conference nitong Huwebes.

Ito ang pagpapatuloy ng top-rating sitcom at ng character ni Toni Gonzaga bilang si Julie.

Pero pagtatapat ni Toni, sa mga pagsubok na pinagdaanan ng kanilang show, hindi niya inasahan na tatagal sila at malalagpasan ang ilang reformats o pagbabago.

"Pinrepare ko na 'yung sarili ko, [sabi ko] 'Ah ito na 'yon, it's bye-bye na, tapos na, magpapaalam na kami, tapos na 'yung run ng buong programa,'" aniya.

Laking gulat na lamang si Toni nang malaman niya na makakasama pa niya sa sitcom ang kanyang kapatid na si Alex. 

"Nagulat ako. Hindi pa ako makapaniwala na kasama ko si Alex. Sabi ko, sigurado ba sila?" aniya.

Kilig pang ikinuwento ni Alex kung paano nakuha ang pangalan niyang Mikee sa sitcom.

"Si direk Bobot po 'yan, nagpi-pictorial kami, nagpo-promo shoot. Parang tinatanong niya ako sa buhay ko. Tapos sabi niya, 'Uy wala pang pangalan si Alex dito.' Tapos sabi niya Mikee na lang. Buti na lang maganda ang pangalan ng boyfriend ko," ani Alex patungkol sa pangalan ng kanyang nobyo na si Mikee Morada. 
 
Kasama na rin sa "Home Sweetie Home: Extra Sweet" bilang leading man ni Toni sina Luis Manzano at Vhong Navarro.

Napa-throwback pa si Vhong sa mga projects na pinagsamahan nila ni Toni sa telebisyon at pelikula.

"Sobrang haba ng pinagsamahan namin. Halos araw-araw kaming magkasama sa 'Wazzup Wazzup' tapos gumawa pa kami ng pelikula. Kaya pagdating sa comedy at tambalan, talagang 'yan ang kasama ko talaga," aniya.

Ang "Home Sweetie Home: Extra Sweet" ay napapanood tuwing weekend sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.