Angeline at Morissette, move on na sa Sarah G isyu?

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 12:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Tila naka-move on na sina Angeline Quinto at Morissette Amon matapos masangkot sa hindi magandang isyu na may kinalaman kay Sarah Geronimo.

Matatandaang tumanggap ng pambabatikos ang dalawa matapos lumabas ang tsismis na 'di umano ay kinutya nila si Sarah na naging emosyonal sa concert nito sa Las Vegas.

Sa MYX Music Awards 2018 nitong Martes, magkasunod na humarap sa media ang dalawa.

"Ako for me, wala naman talaga, hindi ko na iniisip," ani Morissette.

"Nakaka-sad lang po kasi ang daming naniniwala agad doon sa isyu na 'yon. Parang nag-lie low na rin sa ngayon. ... In-address naman sa tamang paraan ni Angeline," dagdag ni Morissette.

Pag-amin ni Morissette, hindi siya masyadong naapektuhan dahil alam niyang wala siyang ginawang masama.

"Hinayaan ko lang na mag-die down 'yung isyu. Mayroon lang talagang nagpa-follow up but it's not something na fully maiiwasan ko," ani Morissette na inaming hindi pa niya nakakausap ng personal ang kanyang "Ate" Sarah.

"Kasi wala rin akong personal connection kay Ate like 'yung phone (number). Pero I would also like to apologize kay Ate kasi for sure sa dami nang naranasan niya noon, nadagdag pa 'yon," ani Morissette na ibinahagi ang natutunan sa pangyayari.

"Siguro tanggapin na lang 'yung mga ganoon. Hindi natin maiiwasan na may basher, ganoong comments. Nasa iyo na 'yon to really be true to yourself. Malaki naman 'yung support system ko," aniya.

Samantala, sinabi naman ni Angeline na nasa proseso siya ngayon ng paghilom mula sa nasabing isyu.

"Pero sa dami ng taong tumutulong sa akin, talagang nararamdaman ko na hindi ako nag-iisa," ani Angeline.

Ayon kay Angeline, tuloy ang imbestigasyon sa ilang netizens na nanakot sa kanya at sa kanyang ina.

"Ngayon ayaw ko na po sanang sabihin ito, pero lahat po kasi ay under investigation lahat. Ang gusto ko lang po talaga ay 'yung dalawang tao na nag-mention sa nanay ko na may trace at makilala ko sila ng personal 'yun pa lang po sa ngayon," aniya.

Noong nakaraang linggo ay nag-file si Angeline ng police report matapos makatanggap ng death threats.

Ayon kay Angeline hindi pa rin sila nagkikita ulit ni Sarah na nauna nang humingi sa kanya ng dispensa dahil sa nangyari.

Nang matanong naman kung ano ang natutunan niya sa isyu, sagot ni Angeline: "Sana bago tayo gumawa ng isang bagay na hindi tayo sigurado, sana ay alam natin kung ano ang pinagmumulan. Para walang taong masasaktan lalo at hindi tayo sigurado sa isang bagay."