PANOORIN: 'PBB' big winner Liofer, ipinasilip ang napanalunang bahay

ABS-CBN News

Posted at May 13 2021 11:45 AM | Updated as of May 13 2021 01:06 PM

MAYNILA -- Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Liofer Pinatacan, ang hinirang na Big Winner ng "Pinoy Big Brother: Connect," sa naging pagbisita niya sa napanalunang bahay mula sa sikat na reality competition ng ABS-CBN.

Sa "Star Magic Inside News," ipinakita ang naging pagtungo ni Pinatacan sa kanyang bagong bahay nito lamang Mayo 10.

Para sa kanyang mga tagahanga, ipinasilip ni Pinatacan ang bahay at ibinahagi kung ano ang paborito niyang parte nito.

"Nandito na ako sa aking bahay. Grabe, sobrang laki. Hindi ko pa rin ini-expect na mangyayari ito sa akin. Grabe ang pakiramdam ko, sobrang saya. Hindi ko ma-explain kung gaano ako kasaya ngayon kasi nakita ko na ang bahay ko. Sa ganitong edad ko ay may bahay na ako ngayon. Grabe, sobrang blessed ko," aniya.

"Ang pinakapaborito kong spot dito ay sa likod talaga. Kasi puwede kang makapag-ihaw roon with friends. Ang saya-saya grabe, kasi hindi ko talaga in-expect na mangyayari ito sa buong bahay ko," dagdag niya. 

Watch more in iWantTFC

Ikinuwento rin ni Pinatacan ang plano niya para sa kanyang bagong bahay. 

"Ang plano ko sa bahay na ito ay iingatan ko talaga at mas lalo ko pang papagandahin. Kasi ito ang greatest at biggest achievement na nangyari sa buhay ko," aniya.

"So hindi ko ito basta-basta papakawalan na lang o ibibigay, o ibebenta sa iba." 

Nitong Marso nagwagi si Pinatacan bilang Big Winner ng "PBB: Connect" kung saan maliban sa bahay at lupa ay nanalo siya ng P1 milyon.

Related video:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.