Payo ni Karla sa single moms

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 04:16 PM

Ibinahagi ni Karla Estrada ang kanyang mga pinagdaanan bilang single mom sa apat na anak, at may payo rin siya sa mga single moms gaya niya.

Ipinanganak niya ang panganay na si Teen King Daniel Padilla noong siya’y 20 taong gulang pa lamang. 

“We wanted talaga ni Rommel na magka-baby. Hindi bago sa akin ang motherhood, but of course, ang dami kong isinaalang-alang noon. Mahilig ako sa bata. Nag-aalaga rin ako ng pamangkin, nagya-yaya ako bilang part time job ko. Bata ako eh ang dami kong energy, tapos ang dami ko ring kayang gawin. Ang bilis ko makabalik sa katawan ko kasi nga bata pa ako,” ani Estrada

Pero dalawang taon lang tumagal ang relasyon niya sa ama ni Daniel na si Rommel Padilla. Mula noon, natuto na siyang magpakatatag at makipagasapalaran bilang single mom.

“Siguro, ‘yung tamang word doon is nag-aalala na matatapos na naman yung buwan, magbabayad ka na naman. Ang importante lang sa akin noon ay may soap ako at out-of-town shows, okay na. Raket lang kasi kumakanta ako, hosting,” kuwento niya. 

Bukod kay Daniel, ina rin si Karla sa tatlo pa niyang anak na sina Carlito, 20 years old, Margaret, 15, at ang bunsong si Carmela na 11 years old.

Di naman inilihim ni Karla na iba-iba ang ama ng kaniyang mga anak, at lahat ay nakasuporta naman sa kanya.

“Hindi naman ako umabot sa walang walang wala kasi naka-support lahat ng tatay sa pagpapaaral. Nakatulong sa akin 'yun at maganda ang mga eskuwelahan nila. Siguro mahihirapan ako nang todo noon kung pati pag-aaral, ako. Ang akin lang ay saan yung bahay ko. Ako nagbabayad noon. 'Yung kuryente, damit ko bilang artista, ‘yun lang naman pinapaikot ko,” aniya. 

Sabi naman ni Estrada, hindi ibig sabihin na kapag naging single mom ay pasan na ang mundo.

“Wala akong room para magdrama. Hindi ko in-entertain ‘yung malungkot na side at hindi ko nga alam ano yung mga post-partum depression na ‘yan. Wala akong time para diyan dahil kailangan ko mag-work. Magpapalakas ako ulit. Kailangan ko mag-taping ulit. Ganoon, marami akong alam gawin. Kanta, hosting…variety yung talent na ibinigay sa akin ng panginoon. ‘Yun pala, para i-ready ka na mag-isa kang mangangabayo,” sabi niya.

May payo naman siya sa mga single moms tulad niya na nagmahal, nagkaanak, at nasaktan.

“’Pag may anak ka, dapat sa anak ka kukuha ng strength. Huwag kang maging makasarili na hindi mo kaya. Of course, madaling sabihin pero mahirap. Totoo! Eh, anong gusto? Mag-dwell ka sa hirap? E di malulugmok ka nun. Kaya ako, hindi ako ganoon sa mga anak ko. Binibitawan ko pero punong puno ako ng paalala kasi pag naging mother ka, marami kang takot. Mas takot ka na may mangyari sa buhay mo, dahil kawawa naman ‘yung mga anak mo. Noong naging mother ako, iniingatan ko na ang buhay ko para sa kanila.”

-- Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.