'Fangirl' na naging idolo: Balikan ang showbiz journey ni Maymay

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 04:52 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by MayMay Entrata (@maymay) on

Ang dating tagahanga ng mga sikat ang iniidolo na ngayon ng nakararami.

Ganoon inilarawan si Maymay Entrata ng kaniyang kaibigan ngayong Linggo sa programang "ASAP," kung saan ipinagdiwang ng aktres at modelo ang kaniyang ika-22 kaarawan.

Bago naging personalidad na sinusundan ng milyon-milyong tao, isa lamang simpleng "fangirl" noon si Entrata sa pinagmulang lungsod ng Cagayan De Oro, ayon sa kaniyang kaibigang si Erick Sambaan.

"Mahilig talaga 'yan sa artista," ani Sambaan.

Ikinuwento ni Sambaan na may isang beses na hindi sila kumain ni Entrata upang makapuwesto sa harap ng entablado sa isang mall show na pinagtanghalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

"'Di kami kumain kasi gusto nga namin sa front kami para kitang-kita talaga 'yong KathNiel," ani Sambaan. "'Yong lumabas 'yong KathNiel napakasaya na namin."

Nakilala si Entrata nang sumali at kalaunan ay hirangin siyang Big Winner noong 2017 sa "Pinoy Big Brother: Lucky 7."

Kahit sa loob ng "Bahay ni Kuya," kita ang pagkahilig ni Entrata sa mga sikat lalo noong sinorpresa siya ng heartthrob na si Enrique Gil.

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang "Pinoy Big Brother" ay nagtuloy-tuloy ang pag-abot ni Entrata sa kaniyang pangarap na maging artista.

Nagkaroon siya ng sikat na tambalan kasama ang kapuwa "Pinoy Big Brother" housemate na si Edward Barber, at lumabas sa mga teleserye at pelikula.

Isa sa mga natatanging tagumpay ni Entrata ay ang pagiging kauna-unahang Pinay na rumampa sa prestihiyosong Arab Fashion Week noong Nobyembre ng nakaraang taon.

"Sobrang nakaka-proud ka dahil nakakamit mo na lahat ng mga pinapangarap mo," anang kaibigan ni Entrata na si Patricia Cañete.

"Pagpatuloy mo lang ang pagiging inspirasyon sa mga tao," dagdag niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

MENSAHE NG MGA KAANAK, TINUTULUNGAN

Labis naman ang pagmamalaki at pasasalamat ng mga kaanak ni Entrata sa kaniya dahil sa kaniyang pagiging matulungin.

Ayon sa mga pinsan ni Entrata na sina Kathleen at Jap, sinagot ng kanilang "Ate May" ang kanilang pag-aaral nang maging artista ito.

Mabuting kalusugan naman ang hiling ni Ludy Entrata para sa kaniyang apo.

Pinasalamatan din si Entrata ng kaniyang inang si Lorna.

"Maraming salamat sa lahat ng mga naitulong mo sa pamilya natin," aniya. "Proud na proud si mama sa lahat ng achievements mo sa buhay."

Nagpaabot din ng mensahe ng pasasalamat ang Bahay Bulilit at Friends of Thai Daughters, 2 organisasyong tinutulungan ng ELM Tree Foundation nina Entrata kasama si Barber at kapatid nitong si Laura Barber.

Bukod sa paggunita sa kaniyang karera, humataw din sa pagsayaw sina Entrata at Barber sa "ASAP" kasama ang kanilang "Hiwaga ng Kambat" co-stars na sina Chantal Videla at Grae Fernandez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.