Bea Alonzo, ipinagmalaki ang pagmamahal ng kanyang ina

ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 06:28 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Ilang araw bago ang pagdiriwang ng Araw ng mga Ina, ibinahagi ni Bea Alonzo ang pagmamahal sa sariling ina na si Mary Ann na ginampanan din ang papel bilang kanyang ama. 

Isang Briton ang ama ni Bea na hindi niya nakilala.

Sa "Magandang Buhay" noong Martes, ibinahagi ni Bea na ang pagmamahal ng kanyang ina ang pumuno sa kanyang pagkatao. 

"Ang okay nang pagpapalaki sa amin ng nanay ko na hindi ka magre-resent na 'ah bakit wala kang tatay.' Tapos kumpleto pa 'yung pagmamahal na ibinibigay niya sa amin," paliwanag ni Bea.

Para kay Bea, ipinagmamalaki niya ang pagiging huwaran ng kanyang ina na naging sandigan niya. 

"Siya talaga yung representation ko ng isang strong woman. Siya talaga ang rock ko. Feeling ko hindi rin ako magiging strong na babae dahil sa kanya," pagmamalaki ni Bea.

Nang matanong naman kung sinubukan niyang hanapin ang ama, sagot ng aktres: "May point sa buhay ko na nagkaroon ako ng urge para hanapin siya, 2009. Hindi ko makakalimutan 'yon. Hanggang sa nagkaiyakan pa kami ng nanay ko. Parang ang ending, para kaming nasa eksena sa isang teleserye, nagkaiyakan kami. Tapos na-realize ko, parang na-guilty ako na inisip ko na 'oo nga ibinigay na sa akin lahat ng nanay ko. Ano pa ang kulang, bakit pa ako naghahanap, okay na naman ako."

Ayon kay Bea, ang kanyang mga tiyuhin ang tumatayo bilang kanyang mga ama.

Bilang aktres, sinabi ni Bea na masuwerte siya sa pagkakaroon ng mga ama-amahan sa showbiz tulad nina Johnny Manahan at Laurenti Dyogi.

"I think I'm so blessed na ganoon lagi yung nangyayari sa buhay ko," ani Bea.