Richard at Lucy Gomez, waging magpalit-puwesto sa halalan

Sharon Evite, ABS-CBN News

Posted at May 10 2022 06:21 PM

Mag-asawang Lucy at Richard Gomez. Instagram: @richardgomezinstagram
Mag-asawang Lucy at Richard Gomez. Instagram: @richardgomezinstagram

Nanalo ulit ang mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres-Gomez ngayong halalan. 

Nasungkit na rin ni Ormoc City Mayor Richard Gomez ang pwesto bilang kongresista. Tinalo niya si dating Comelec commissioner Gregorio Larrazabal. 

Matatandaang naging nominee ang actor-politician noon ng party-list group na Mamamayan Ayaw sa Droga (MAD) pero dineklara ng Korte Suprema na disqualified noong 2001.

Tumakbo din siya bilang senador noong 2007 pero nabigo. Sinubukan din niyang pasukin ang kongreso noong 2010 pero nabigo din dahil sa residency issue.

Nasa kanyang ikalawang termino pa lang ngayon bilang alkalde ng Ormoc si Gomez pero dahil huling termino na ng kanyang maybahay na si outgoing Leyte 4th District Representative Lucy Torres-Gomez, nagpalit ng pwesto ang dalawa.

Si Torres-Gomez ang uupong alkalde ng Ormoc City.

Pangako ni Gomez, tututukan niya ang mga batas na magsusulong sa agrikultura at turismo. 

Nangako naman ang kanyang maybahay na itutuloy ang mga programang nasimulan ng asawa sa kanilang lungsod.