PatrolPH

Carol Banawa nagpahayag ng suporta sa ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at May 10 2020 12:45 PM

Nagpahayag ng suporta ang mang-aawit na si Carol Banawa, na ngayo'y nagsisilbing nurse sa Amerika, para sa ABS-CBN sa gitna ng pagpapatigil sa pag-brodkast ng network.

Sa kaniyang Instagram, nag-post ang "Iingatan Ka" hitmaker ng retrato ng ABS-CBN headquarters at binalikan ang pagsisimula ng kaniyang show business career sa network noong siya'y 13 anyos pa lamang.

"Ito ang naging tahanan ko mula pa noong 1994... Sa mga lumipas na taon, sila ang nakasama ko nung nagkaroon ng malaking dagok sa buhay ng pamilya ko," sabi ni Banawa sa caption.

"Sila ang nagbigay sa akin ng trabaho nung mga panahon na kailangan kong kumita para matulungan ko ang pamilya ko," aniya.

Ayon kay Banawa, hindi umano mawawala sa kaniyang puso ang pagmamahal at respeto para sa ABS-CBN.

"Kahit saan pa mang sulok ng mundo ako mapunta. Naniniwala ako na babangon itong muli, dahil ang tahanan na ito ay nakatatak na sa puso ng lahat ng Pilipino," aniya.

Nagtatrabaho ngayon bilang nurse si Banawa sa Amerika at nangunguna sa laban sa coronavirus disease.

Tumigil ang pag-brodkast ng ABS-CBN noong Martes matapos maglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission, isang araw makaraang mapaso ang prangkisa ng network.

Nakabinbin pa rin sa Kamara ang mga panukalang batas na layong mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

Noong Huwebes, hiniling ng network sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order para matigil ang pagpapatupad ng utos ng NTC.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.