Ryza Cenon, inaming dumaan sa depresyon

ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 01:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Inamin ng aktres na si Ryza Cenon na dumaan siya sa depresyon at inilabas na lamang niya sa kanyang mga pinipinta ang hindi magandang pinagdaanan dulot nito.

naibahagi ni Ryza na inilabas niya sa kanyang mga pininta ang hindi magandang pinagdaanan dulot ng depresyon.

"Nag-start ako (mag-paint) 2015 lang. Parang na-discover ko na doon ko puwedeng ilabas 'yung nararamdaman ko," bungad ni Ryza sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles. 

"May story (ang paintings) pero lahat 'yon, puro dark side ko, like depression," ani Ryza.

Dahil sa depresyon, sinabi ni Ryza na dumating ang puntong ayaw na niyang kumain.

"Parang ayaw kong makipag-usap, hindi ako naliligo, hindi ako kumakain. As in ayaw ko ng ilaw, madilim," aniya.

Ayon sa aktres, maraming nangyari sa kanya noong 2015 tulad na lamang nang kawalan ng proyekto.

"Sunod-sunod, nagpatong-patong lahat. As in wala akong ginagawa, wala rin akong work noon. .. Siyempre mag-isa lang ako, wala naman akong puwedeng takbuhan sa financial. So ako lang lahat. Lahat 'yon iniisip ko," pagbabahagi ni Ryza. 

Ayon kay Ryza, napagtagumpayan niya ang hamon ng depresyon sa tulong din ng kanyang paniniwala sa Diyos. 

"Na-realize ko rin 'yon noong mga dulo na. Parang nasa room na ako kinakausap ko si God. Dumiretso na ako sa Kanya," ani Ryza.

Sa ngayon ay abala si Ryza bilang parte ng seryeng "FPJ's Ang Probinsyano."

Aabangan din si Ryza sa paparating na serye ng ABS-CBN na "General's Daughter" kung saan makakasama niya si Angel Locsin at iba pang mga bigating aktor.

Pag-amin ni Ryza, masaya siya sa bagong karakter na kanyang gagampanan sa "General's Daughter."

"Sa lahat ng ginawa ko, kakaiba siya, challenging 'yung role," ani Ryza.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.