PatrolPH

‘Nag-iisa lang siya’: Karla, Jolina inaming nahirapang gayahin si Melai sa kanilang pelikula

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at May 08 2021 08:53 PM | Updated as of May 08 2021 09:18 PM

‘Nag-iisa lang siya’: Karla, Jolina inaming nahirapang gayahin si Melai sa kanilang pelikula 1
Bukod sa morning show na “Magandang Buhay,” aabangan na rin sina Karla Estrada, Jolina Magdangal, at Melai Cantiveros sa kanilang unang pelikula na pinamagatang “Momshies Ang Soul Mo'y Akin.”

“Sobrang hirap.”

Ito na lamang ang nasabi ng mga aktres na sina Karla Estrada at Jolina Magdangal sa paggaya nila sa komedyanteng si Melai Cantiveros sa kanilang Mother’s Day comedy film na “Momshies Ang Soul Mo’y Akin.”

Sa kanilang virtual press conference, inamin ni Estrada na hindi naging madali ang paggaya niya kay Cantiveros lalo pa’t malikot umano ito at maraming expression na ginagawa sa kaniyang mukha. 

“Sobrang gusto ko na magpatiwakal nung ginaya ko si Momshie Mels. Ang likot niya, para siyang kiti-kiti. Ang dami niyang nuances, ang daming niyang expressions na siya lang makakagawa,” natatawang kuwento ni Karla. 

Biro pa niya, baka ito na umano ang ikabagsak ng kaniyang karera sa showbiz matapos ingatan ang reputasyon sa halos 30 taon. 

“Nahirapan ako talaga. I think ito na ang ikakabagsak ng career dun sa mga eksena ko na for 30 years kong iningat-ingatan,” ani Estrada. 

Dagdag pa nito, hindi niya umano inakalang gagayin din niya si Melai sa palabas dahil nasa dulo umano ito ng script. Ngunit sa seryosong tono, binigyang diin ni Estrada na wala umano talagang kayang humalintulad sa komedyante dahil nag-iisa lamang ito. 

“Dahil hindi naman ako as professional as Jolina Magdangal, di ko na nabasa yung dulo ng script na magiging Melai pala ako. Mag-iisang ikot pa pala. Doon nagkatrayduran,” patuloy na banat ni Karla. 

“Kaya nga nag-iisa lang yang Melai na yan. Sobrang hirap. Hindi mo talaga siya magagaya.”

Sumang-ayon naman si Magdangal sa sinabi ng kapwa momshie na sinabing makailang ulit sumakit ang kaniyang leeg dahil sa panggagaya kay Melai. 

Kaya naman ang naging diskarte nito ay ipagawa muna kay Cantiveros ang mga eksena bago niya gayahin. 

“Mahirap talaga yung kay Momshie Mels. Every time na patapos na yung araw ang sakit ng leeg ko kasi malikot talaga siyang tao,” ani Jolina. 

Nagkaroon din umano ng pagkakataon na nalito ito sa eksena nila ni Jason Francisco na tatayong asawa ni Melai sa pelikula. Aniya, dahil malakas ang punto ng Bisaya ng komedyante at gayundin ang pagiging Batangueno ni Francisco, hindi na niya makuha ang dapat gayahin.

Bagamat tawa nang tawa, sinabi ni Cantiveros na siya ang totoong nahirapan dahil hirap umano siyang gayahin ang kagandahan ng mga kasamahan sa “Magandang Buhay.” 

“Kung hirap sila sa akin, mas hirap ako sa kanila. Mahirap maging maganda. Hindi ko talaga kaya maging maganda. Naka ilang ulit si Direk Easy, Melai maging Karla Estrada. Direk di ko kaya. Sobrang hirap gumanda talaga,” seryosong sagot ni Cantiveros. 

Base sa inilabas na trailer ng pelikula, iikot ang kuwento sa pagkakapalitan ng kaluluwa ng tatlong pangunahing karakter na sina Karlene (Estrada), Jolene (Magdangal) at Mylene (Cantiveros). 

Ito ang unang pelikula nina Estrada, Magdangal, at Cantiveros na magkakasama matapos magkatrabaho sa unang season ng “Your Face Sounds Familiar” bago naging hosts ng “Magandang Buhay.”

Mapapanood ang pelikula ng mga Momshies sa May 28 sa mga digital streaming platforms tulad ng KTX.ph, iWant TFC, TFC IPTV, Sky Cable PPV and Cignal PPV.

Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.