Joven Olvido ng 'PGT', may mensahe kay Vice Ganda

ABS-CBN News

Posted at May 07 2018 01:03 PM | Updated as of May 07 2018 01:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Isang pasasalamat ang ibinigay ni Joven Olvido, finalist sa katatapos lang na "Pilipinas Got Talent," para kay Vice Ganda.

Matatandaang nangako si Vice na bibigyan niya si Joven ng motorsiklo dahil nagpasaya siya ng mga manonood sa kanyang semifinal performance sa kakatapos pa lang na kompetisyon.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, isang pangako rin ang binitiwan ni Joven para naman sa "It's Showtime" host.

"Sobrang salamat po, Ma'am. Hindi ko po talaga inakala na mabibigyan niyo ako ng ganoon kaya po tumulo ang luha ko dahil nabigla po ako. Ma'am Vice maraming, maraming salamat po," ani Joven.

"Nandito lang po ako kapag kailangan niyong tumawa," dagdag na hirit ni Joven.

Nito lamang Linggo, muling napasaya ni Joven si Vice sa kanyang pagbisita sa "Gandang Gabi Vice (GGV)" kasama ang iba pang mga "PGT" contestant na sina Jeptha Callitong at Orville Tonido.

Sa kanilang pagkikita matapos ang "PGT," muli na namang pinangiti ng dalawa ang mga manonood sa kunwariang palitan nila ng mga matatamis na salita.

Nakakatawa rin ang naging tagpo kung saan hiningan ni Joven si Vice ng isang halik.

Napahanga naman ni Joven si Vice sa pagbabahagi niya ng kanyang buhay pag-ibig.

Ayon kay Joven, mahal na mahal niya ang nobya at handa na rin siyang magkaroon ng anak sakaling ibigay ito.

"Ang charming mo 'yung sa sobrang charming mo ay matutuwa ang taong kausap mo, tapos makukuha mo 'yung loob niya, tapos mapapamahal siya sa iyo. 'Yun ang naramdaman ko sa iyo, napamahal ka sa akin," ani Vice Ganda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.