TFC News

Pinoy boy group na Hori7on, sasabak sa training sa Korea

Joeffrey Maddatu Calimag  | TFC News South Korea 

Posted at May 06 2023 04:27 PM

Watch more News on iWantTFC

SOUTH KOREA - Nasa Korea na ang Pinoy group na Hori7on. Sasabak sila sa training gaya ng pinagdaanan ng ilang Korean idols.  

Masayang dumating ang mga miyembro ng all-Pinoy boy group na Hori7on sa Korea. Excited na silang i-explore ang kanilang magiging tahanan sa mga susunod na buwan.  

“Yung expectation namin eh dynamic talaga yung mga libangan nila dito, tapos yung mga food nila and yung mga tao,” sabi ni Winston, Hori7on member. 

“Ngayon po, sobrang di ko po talaga alam kung normal ba ito o yung weather sa Korea kasi nakikita namin sobrang lamig at sobrang excited na rin kaming makalabas,” ani Kim, Hori7on member.   

Ayon sa manager ng Hori7on na si Kim Jae Yong, jampacked ang mga nakalinyang activities at trainings ng grupo gaya ng paggawa ng music video ng kanilang kantang “Lovey Dovey,” pag-aaral ng korean language at ang inaasahang debut nila sa kalagitnaan ng taon. Pursigido ang Hori7on na mahahasa pa ang kanilang talento para sa kanilang fans.    

“Magte-training kami ng malala, ‘tapos marami pong pagsubok na ibibigay po sa ‘min... siguro po marami kaming pagdadaanan na mahihirap kasi para maging magaling po kami sumayaw saka kumanta lalo,” sabini Kyler, Hori7on member.  

“Alam naming maraming kaming pagdadaanan dito na pagsubok, hindi siya magiging madali, pero alam naman namin na andiyan ang mga anchors para sa amin, and pati na rin yun mga pamilya namin na naghihintay sa Pililipinas hanggang makabalik kami,” ani Vinci, Hori7on member.  

Tiniyak naman ng manager ng grupo na dahil na-delay ang release ng passport ni Reyster… sa May 5 na siya makakasunod sa Korea.    

Malaking hamon ang kakaharapin ng mga miyembro ng Hori7on habang nagte-training sa South Korea. Ngunit tiwala sila sa kanilang mga taglay na talento at kakayahan upang mapagtagumpayan ang kanilang layunin sa South Korea. 

Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.