Gab Skribikin, Paolo Alcantara pasok na sa Final 5 ng ‘PBB’ teens

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at May 05 2022 12:08 AM

Mula sa Kapamilya Online Live
Mula sa Kapamilya Online Live

Nakuha nina Gab Skribikin at Paolo Alcantara ang unang dalawang puwesto sa Final 5 ng “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10” teen edition. 

Sa ipinalabas na episode nitong Miyerkoles, sumabak sa isang hamon ang pitong natitirang housemates na maglalaban-laban para sa Final 5 slots sa kanilang edisyon. 

Upang makasiguro ng puwesto, kinakailangan maitawid at maibalanse ng mga ito ang lata na nasa ibabaw ng pole habang dumadaan sa obstacle course. 

Kada lata na maitatawid nang matagumpay ay may katumbas na isang puntos. Ang unang dalawang housemates na makakakuha ng dalawang puntos ang siyang makakakuha ng Final 5 ticket. 

Isa-isa ang mga ito na sumalang sa pagsubok na ang pagkakasunod-sunod ay nakaayon base sa naganap na ranking nila noong nakaraang araw tungkol sa pinaka-deserving na makapasok sa top 5. 

Nahirapan ang lahat ng housemates sa naging hamon lalo pa’t nahuhulog ang lata sa tuwing humahakbang sila nang malalaki sa obstacle course. 

Makalipas ang ilang minuto, nagawa ni Skribikin na makapagtawid ng isang lata. Nagpatuloy ang pag-ikot ng mga housemate ngunit wala pa ring nakatapos hanggang sa makuha na nga ng dating MNL48 member ang kaniyang ikalawang puntos. 

Sumunod na nakapagtala ng puntos ay si Alcantara. Katulad ng nangyari kay Skribikin, hindi na rin nakaiskor ang iba pang mga kasama hanggang sa maitawid niya ang ikalawang lata. 

Sa kabila ng pagwawagi sa hamon, pinaalalahanan ni Big Brother ang dalawa na pagbutihan pa upang mapatunayan na karapat-dapat sila sa Final 5. 

Mapapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC. Mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.