PatrolPH

Andrea Brillantes nakatanggap ng halos P1 milyong halaga ng mga regalo sa kaniyang debut

ABS-CBN News

Posted at May 05 2021 10:03 PM

Andrea Brillantes nakatanggap ng halos P1 milyong halaga ng mga regalo sa kaniyang debut 1
Screenshot mula sa vlog ni Andrea Brillantes

Bagamat hindi nakapagdiwang ng engrande para sa kaniyang ika-18 kaarawan dahil sa pandemya, bumuhos naman ang mga regalong natanggap ng batang aktres na si Andrea Brillantes na umabot pa sa halos P1 milyon ang halaga.

Ipinasilip ni Brillantes ang ilan sa mga natanggap na regalo na karamihan ay luxury brands na bags at footwear.

Sa kaniyang vlog, ipinaliwanag ng isa sa mga bida ng seryeng “Huwag Kang Mangamba” na ang mga natanggap ay galing sa mga itinuturing niyang pangalawang pamilya. 

“Itong mga regalo na nakikita n'yo lahat ito ay galing sa second family ko. Sila ang nakatulong sa'kin sa pangarap at mabili ang bahay na ito,” ani Brillantes. 

Una niyang ipinakita ang isang Louis Vuitton na hand bag na iniregalo sa kaniya bago ipinagmalaki ang Balenciaga bag na natanggap din mula iba pang nagmamahal sa kaniya. 

Mayroon din siyang nakuha Gucci na sinturon at scarf bukod pa sa unang Louis Vuitton niyang sapatos na may disensyo ng baraha. 

“Nagandahan ako dito kasi may baraha eh mahilig ako mag-tong its,” natatawang sabi ng aktres. 

Nakatanggap din siya ng LV na hair clips na nagkakahalaga ng P18,000 at high class na hair blower na nasa P30,000 ang presyo. 

Kasama rin sa ipinakita nitong mga regalo ang bigay sa kaniyang Givenchy slides at Gucci bag mula mismo sa aktres at sikat na vlogger na si Ivana Alawi. 

Labis din ang tuwa ni Brillantes sa pagkakatanggap ng Hermes sandals na aniya mas makinis pa sa paa niya. 

“Mas smooth pa siya sa paa ko na itatapak ko rito. Parang di nga ata deserve ng paa ko to eh. Mas maganda siya sa mismong paa ko,” pabirong saad nito. 

Dagdag pa ni Brillantes, hindi niya pa masyadong alam ang mga pangalan ng natanggap dahil ngayon pa lamang siya nakatanggap ng mga mamahaling regalo.

“First time kong makatanggap ng mga ganitong bagay so wala pa ko sa Heart Evangelista level,” pahayag ni Brillantes. 

May mga appliance din na natanggap si Andrea tulad ng cotton candy maker, ice cream maker at stand mixer. 

Ngunit pinaka natuwa ang aktres sa regalo ng kaniyang naging ina sa hit series na “Kadenang Ginto” na si Dimples Romana. 

Nauna nang napabalita na refrigerator ang hiniling ni Brillantes kay Romana na tinupad naman ng beteranang aktres. 

“Pangarap kong magkaroon ng sariling ref sa kwarto ko. Sinabi ko talaga kay Ate Dims,” paliwanag ni Brillantes. 

Nito lamang Marso ay ipinagdiwang ni Brillantes ang kaniyang debut. 

RELATED VIDEO:
 

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.