PatrolPH

Vice Ganda, na-good time ang mga kasama sa bahay sa horror prank

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 10:33 PM

Vice Ganda, na-good time ang mga kasama sa bahay sa horror prank 1
Screenshot mula sa vlog ni Vice Ganda.

Malayo pa man ang Halloween, naisipan na ng komedyanteng si Vice Ganda na takutin ang kaniyang mga kasama sa bahay ngunit tila iilan lamang ang kumagat sa kaniyang pananakot. 

Sa bagong labas nitong vlog, nakaisip muli ang “It’s Showtime” host ng pang-alis ng bagot sa kaniyang bahay 

“Dahil wala tayong masyadong magawang matino, gagawa na lang tayo ng kabalbalan,” ani Vice sa simula ng kaniyang video. 

Hiniram ng komedyante ang maskara na ginamit ng nobyong si Ion Perez upang takutin ang mga tinawag niyang “angels” sa kaniyang tinitirhan. 

Una nitong tinakot ang kasamang si Vangie na labis na natakot sa ginawa ng komedyante. 

“Takot ako sa'yo 'te. Natakot ako akala ko ano yon,” ani Vangie na kunwaring inutusan ni Vice na patayin ang aircon. 

Bagamat nagulat, hindi naman masyadong natakot ang sumunod na biniktima ni Vice na sina Jacque at Lanz. 

Ngunit hindi tumigil ang noontime show host sa prank at sinubukan namang takutin ang dalawa pang kaibigan na nasa bahay din niya. 

“Hindi ako titigil hangga't walang hinihimatay. Charot. Sama ng ugali. Good time, good time lang,” pabirong saad ni Vice.

Nagpalit muli ito ng costume para biktimahin ang hair stylist nitong si Buern ngunit hindi rin ito natakot at sinabi pang hindi marunong manggulat ang komedyante. 

Hindi ito ang unang beses na nabiktima ng mga kalokohan ni Vice ang kaniyang mga kasambahay. Nagawa na rin nitong ma-prank ang ilang mga showbiz personalities na malalapit sa kaniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.