Vice Ganda, ikinagulat ang pabirong banat ni Ion Perez sa ‘It’s Showtime’

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 09:11 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi napigilan ng “It’s Showtime” hosts ang matawa sa naging banat ni Ion Perez nitong Martes na tila nakatuon para sa partner nitong si Vice Ganda. 

Nagkatuwaan ang mga host ng noontime show na mag-isip ng bulaklak na ipapalit nila sa kanilang pangalan.

Isa si Ion sa huling nagbigay ng kaniyang sagot na sinabing nais niyang palitan ang kaniyang pangalan ng “Tuliplip Perez” na halaw sa bulaklak na tulip. 

Nang tanungin kung ano ang magiging palayaw nito sa nasabing pangalan, sinabi nitong “Pilut” para umano malapit sa “panot”.

Dito na natawa ang mga kasamahan sa show dahil na rin madalas asarin si Vice ng mga kapwa host tulad nina Vhong Navarro at Jhong Hilario na “panot” habang nagulat naman ang box-office star sa tinuran ng nobyo. 

Pabiro namang bwelta ni Vice: “Buong puso yun Ion?” Paliwanag naman ni Perez, katuwaan lamang ito. 

Pero kinilig naman si Vice dahil isa umanong biro ang terminong “tuliplip” na ibig sabihin ay “tulip para lip to lip.”

Samantala, “Dangwa” naman ang isinagot ni Navarro sa tanong dahil nasabi na aniya lahat ng mga pangalan ng bulaklak. 

Pero ikinuwento sa kaniya ng komedyanteng si Vice na ang Dangwa ay isang terminal ng bus sa Maynila at katabi lamang nito ang sikat na bilihan ng mga bulaklak. 

Nito lamang kaarawan ni Vice ay ibinahagi ni Ion ang isang nakakaantig sa damdamin na mensahe para sa kaniyang kasintahan na ayon sa kaniya ay hindi niya pinagsisisihan. 

"Sa bawat umagang dumidilat ang mga mata ko na ikaw ang unang nasisilayan walang pagsisi na ikaw ang aking lubos na minahal at mamahalin pa! Lagi kong sinasabi sayo hanggat kaya kong ingatan ang puso mo iingatan ko hanggang sa huli mahal na mahal kita tuy," ani Perez.

 Related videos:

Watch more in iWantTFC
Watch more in iWantTFC
Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.