Angeline, Morissette, Amy Perez, nilinaw ang Sarah G issue

ABS-CBN News

Posted at May 04 2018 10:30 PM | Updated as of May 04 2018 11:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinabulaanan nina Angeline Quinto at Morissette nitong Biyernes ang isyu na kinutya umano nila ang video ni Sarah Geronimo, kung saan naging emosyonal ang mang-aawit sa concert nito sa Las Vegas.

"Nagulat po ako na ang daming naniwala sa wala namang supported evidence nu'ng rumor na 'yon, nu'ng issue na 'yon," sabi ni Morissette sa panayam sa ABS-CBN News.

Hinamon naman ni Quinto ang mga basher na ilabas ang kanilang ebidensiya.

"Sa lahat po ng mga taong nagsalita ng masakit sa akin, lahat sila kayang-kaya kong puntahan nang personal para humingi ng pasensiya, basta ibigay nila sa akin 'yung magpapatunay na totoo 'yung ginawa at binibintang nila sa amin," sabi ni Quinto.

Labis ding naapektuhan si Quinto dahil nadamay ang kaniyang ina sa isyu.

"Kaya kong tanggapin lahat ng masasakit na salita na ibabato sa akin, kahit anong salita, kahit pinakamasakit na salita na ibibigay sa akin, pero 'wag na 'wag lang sana talaga 'yung mama ko," ani Quinto. 

Ayon kay Quinto, humingi na ng paumanhin sa kaniya si Geronimo.

"Sobra akong lalong humanga kay Sarah kasi, nakatanggap po ako ng message sa kaniya at humihingi po siya ng sorry sa akin," sabi ni Quinto. 

Nagsimula ang isyu nang kumalat sa social media ang mga post na pinagtawanan umano nina Quinto at Morissette ang nangyari kay Geronimo. 

Kumalat din ang balita na narinig umano ng personal assistant ni Amy Perez ang dalawa sa set ng "Umagang Kay Ganda."

Pinabulaanan naman ito ni Perez.

"May umiingay kasing balita sa Twitter at medyo nag-aaway-away ang mga tao. Liliwanagin ko lang na wala akong PA, wala akong yaya [o make-up artist]. Wala rin po na sinasabi na diumano ay narinig na tumawa o kung anuman si Morissette dito sa set namin sa 'UKG,' wala pong nangyaring ganoon. Sinasabi ko na po, maliwanag po, wala pong nangyaring ganoon at hindi po totoo 'yung ilang mga bali-balitang kumakalat sa social media," paglilinaw ng Perez.

Pinag-aaralan na ng kampo nina Quinto at Morissette ang pagsasampa ng kaso.

--Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.