Vice Ganda, iba pang sikat, may mensahe kay Sarah G

ABS-CBN News

Posted at May 02 2018 10:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga tagahanga at netizens, bumuhos din ang suporta para kay Pop Royalty Sarah Geronimo mula sa kaniyang mga kasamahan sa industriya.

Ito ay matapos ilabas ni Geronimo kamakailan ang kaniyang mga saloobin sa gitna ng isang concert sa Las Vegas.

Inamin ng komedyanteng si Vice Ganda na nauunawaan niya ang pinagdadaanan ng 29 anyos na mang-aawit, lalo at nakaranas din umano siya ng depresyon kamakailan.

"I actually experienced the same thing just recently. Na-depress ako, I underwent depression. I actually had to meet a doctor and ask for professional help," sabi ni Vice.

Ibinunyag ni Vice na pumasok din sa kaniyang isip na pansamantalang umalis muna sa show business.

"Hindi ako makatulog, nagkakaroon ako ng anxiety attack, may mga atake sa'kin, nahihirapan ako magtrabaho. I even thought of leaving muna. Nagpaalam pa nga ako sa management," aniya. 

Pero nalampasan niya umano ang yugtong ito at natutunang huwag pansinin ang mga negatibong pag-iisip, na nais niyang ibahagi kay Geronimo.

"Ang pinakamagandang natutunan ko rito 'yong sinabing the mind is the playground of the devil," kuwento ni Vice.

"'Yong devil pinaglalaruan 'yong utak namin para hindi namin ma-serve iyong purpose namin. Feeling ko, pinaglaruan ng devil 'yong utak ko para malungkot ako, hindi ako makapagpatawa."

"Mahalaga 'yong mindset na piliin mo 'yong masaya. Kailangan labanan mo talaga 'yong kalungkutan," dagdag ng "It's Showtime" host.

Hindi naman ikinagulat ng mang-aawit na si Jaya ang nangyari pero dapat umano itong magsilbing "wake-up call" para sa mga taga-industriya at mga tao sa paligid ni Geronimo.

"I think at some point in your life, magkakaroon talaga ng gano'ng klaseng hirap, pagod... You're gonna go through something," sabi ni Jaya.

"I think I just wanna tell you that we are all here for you, we understand. We understand what you're going through," mensahe niya para kay Geronimo. 

Inamin naman ni Jed Madela na naiyak siya para kay Geronimo nang mapanood ang video.

"Every time you see her, she's always this strong, fierce performer. For her to just biglang, like a switch, bumalik siya sa parang Sarah na very vulnerable, parang bata... ang sakit ng feeling bilang isang kaibigan na makita siyang nagbe-breakdown," ani Madela.

Hinikayat ni Madela si Geronimo, na abala sa kaniyang 15th anniversary tour, na magpahinga muna.

"Just remember that it's okay to say 'no.' It's okay to say, 'break time muna,'" ani Madela.

Una nang tiniyak ng nobyo ni Geronimo na si Matteo Guidicelli na nasa mabuting kalagayan na si Geronimo matapos ang nangyari.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.