Teen housemates kailangang makalikom ng 250 diamonds sa summer concert

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2022 11:32 PM

Kapamilya Online Live
Mula sa Kapamilya Online Live

Kinakailangan makaipon ng 250 diamonds ang mga Pinoy Big Brother teen housemate sa kanilang summer concert ngayong linggo upang mapagtagumpayan ang kanilang weekly task.

Sa episode nitong Sabado, nagsimula na ang mga housemate sa “The Big Kumuniteen Summer Concert” kung saan may inihanda silang anim na performances. 

Pumili si Big Brother ng 50 hurado mula sa Kumunity na siyang magbibigay ng diamond o boto sa bawat pagtatanghal. 

Unang ipinakita ng housemates ang kanilang bersyon ng “Kabataang Pinoy” kung saan perpektong 50 diamonds ang nakuha ng mga ito mula sa mga hurado. 

Sinundan ito ng “Dahil Sa’yo” performance ng boys group kung saan binigyan sila ng 39 diamonds ng Kumunity.

Bahagyang nadismaya naman si Luke Alford at Gab Skribikin sa naging iskor matapos kantahin ang hit song ni Daniel Padilla na “Mabagal.”

Nasa 31 diamonds lamang ibinigay ng mga hurado sa nasabing palabas. 

Samantala, umani ng 45 na boto ang pagsayaw ng girls housemates sa bagong single ng MNL48 na “No Way Man.”

May dalawa pang performances na natitira para sa mga housemates kabilang dito ang pagtatanghal kasama ang Pinoy super group na SB19.

Sakaling magwagi sa weekly task, hindi lamang weekly budget ang makukuha ng mga ito kung hindi makakatulong din sila sa Bantay Bata. 

Mapapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC. Mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.