PatrolPH

'Ipapakilala ko sa inyo si Tutoy': Vice Ganda, maglalabas ng biography

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2019 01:44 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA -- Isang bagong libro ang regalo ni Vice Ganda sa kanyang mga tagahanga.

Sa "It's Showtime" nitong Lunes, nagbahagi si Vice Ganda tungkol sa kanyang bagong libro na may pamagat na "Jose Marie Viceral Tutoy."

"Biography ko po 'yan mula noong ipanganak ako bago [ako] maging Vice Ganda. Sa book na ito, inilahad ko kung sino si Tutoy noong bata, ano ang mga karanasan niya at kung bakit siya naging ganito ngayon, kung ano ang pinagmulan ni Vice Ganda," ani Vice.

"Kasi 'yung Vice Ganda kilala niyo na. Kaya ipapakilala ko sa inyo kung sino si Tutoy sa Tambunting sa Sta. Cruz, Avenida," dagdag niya.

Pag-amin ni Vice Ganda, naging emosyonal siya habang binubuo ang kanyang bagong libro sa ilalim ng ABS-CBN Publishing.

"Habang binubuo, noong nagsusulat kami, iyak ako ng iyak kasi ang dami kong binalikan. Pero habang umiiyak ako at kinukuwento ko 'yon, ang sarap lang sa pakiramdam kasi wala akong nararamdamang hiya. Kahit ang dumi-dumi, kahit ang dilim nung iba kung mga kinuwento, ang lungkot-lungkot, parang masaya akong shinare. Parang ang saya ko na naging bahagi 'yon ng buhay ko. Wala akong tinatalikuran, wala akong ikinakahiya. Sobra akong proud kasi bahagi lahat 'yon kung ano ako ngayon at ini-enjoy ko pa rin siya hanggang ngayon," kuwento ni Vice.

Giit ng "It's Showtime" host, maliban sa kasiyahan, kapupulitan ng aral sa buhay ang kanyang libro.

"'Yung mga mapapangit kong pictures na itinago-tago pa ng mga kaibigan ko ay inilabas namin dito. Masaya itong libro pero may hugot. At sa bawat chapter ay may hugot at pulot na pampa-realize ng bahaging 'yon ng buhay ko," ani Vice Ganda.

Eksklusibong mabibili ang libro ni Vice Ganda sa National Bookstore sa halagang P195 at maari na ring mag-pre-order simula ngayong Lunes, Abril 29.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.