Anne Curtis, 'blown away' sa concert ng K-pop group EXO

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 02:21 PM

Maging ang mga hinahangaan ay humahanga rin, gaya na lang ng local superstar na si Anne Curtis na ipinahayag noong gabi ng Sabado ang kaniyang labis na pagkabilib sa K-pop group na EXO.

Sa Twitter, sinabi ni Curtis na "blown away" siya sa EXO matapos dumalo sa Manila show ng kanilang "Elyxion" tour sa SM Mall of Asia Arena.

Bago magsimula ang concert, ibinahagi pa ng 33 anyos na aktres sa kaniyang Instagram story na mag-isa siyang manonood matapos umanong mag-flake o umurong ng kaniyang mister na si Erwan Heussaff.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Curtis, ikinatuwa niyang makita sa personal ang EXO member na si Do Kyung-soo, o mas kilala sa stage name na D.O., na una niya aniyang napanood sa K-drama na "It's Okay, That's Love."

Ayon kay Curtis, nagsimula siyang makinig sa mga K-pop group bunsod ng pagkahumaling niya sa K-drama, kung saan itinatampok ang mga miyembro bilang bida o mang-aawit sa soundtrack. 

"I research the OST's (original soundtrack) and actors tapos 'yon pala singers din sila. I like listening to a lot of groups and solo artists now," sabi ni Curtis sa tweet.

Ayon pa kay Curtis, umasa siyang kakantahin ng miyembrong si Chanyeol ang awiting nitong "Stay With Me," na sumikat sa paboritong K-drama ng aktres na "Goblin."

"Even if I knew wala sa setlist [and] it’s not an EXO song may katiting akong hopia na beke nemen sa solo n'ya 'Stay With Me'," tweet ni Curtis, na sinusundan ng higit 10 milyon sa Twitter.

Hiniling din ni Curtis na sana'y marami pang K-pop artist ang bumisita sa bansa, lalo iyong mga babae gaya ng soloist na si IU, grupong Blackpink, at indie duo na Bolbbalgan4.

"Basta fellow K-music lovers! Maasahan n'yo, if I don’t have work, present ako sa lahat ng concerts and fan meets," sabi ng aktres, sabay tag sa mister upang yayain sa aniya'y "future date nights" nila.

Maging ang ibang tagahanga ng EXO ay nagulat sa pagdalo ng aktres sa concert.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.