Judy Ann, ibinahagi ang inspirasyon sa pagpapapayat

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2017 12:55 PM | Updated as of Apr 26 2017 01:08 PM

MANILA -- Inamin ni Judy Ann Santos na isang matinding pagsubok at determinasyon ang kailangan para makapagbawas ng timbang.

Sa panayam niya sa programang "Sakto" ng DZMM nitong Miyerkules, ibinahagi ni Judy Ann na pinakamatinding kalaban niya ang sarili para magpapayat.

"Test of patience din talaga sa sarili, hindi sa kung kanino pa man, 'yung sarili mo mismo. 'Yung paano mo lalabanan ang konsensiya mo na kailangan mong bumangon, ang aga-aga para makapag-workout," pag-amin ni Judy Ann.

Maliban sa determinasyon, inspirasyon din ni Judy Ann ang magkaroon ng pagkakataon na makipaglaro sa kanyang mga anak.

"Ang motivation ko din kasi is to be able to run after my kids, 'yung tapatan mo 'yung energy nila. Kasi kung di mo matapatan, nakakalungkot din kasi di mo kayang makipaghabulan sa kanila, ang bilis mong mapagod. Most of the time you want to be there for them. 'Yung pagod kasi ang kasama noon ay pikon at init ulo, so siyempre ang mapagbubuntunan mo ng init ng ulo at pikon ay 'yung mga bata, unfair to them," paliwanag ni Judy Ann.

Maliban sa mga anak, sinabi ni Judy Ann na ginagawa niya ang pagpapayat para sa kanyang sariling kapakanan.

"More than anything, you do it for yourself, para sa sarili mo, hindi kung kanino pa man. After a while magiging masarap na pakiramdam mo, magiging magaan ang pakiramdam mo, masaya ka lang every morning, kasi bino-boost mo 'yung happy hormones mo," ani Judy Ann.

Sa ngayon ay masaya si Judy Ann na muling makabalik sa pagtatrabaho. Magbabalik sa hosting ang aktres para sa Season 3 ng game show na "Bet On Your Baby" na magsisimula ngayong Mayo.

"Ang saya. I'm excited. I'm happy na unti-unti eh medyo nakakaabante na sa work. I'm happy," ani Judy Ann, na inaming hinahanap-hanap na din niya ang pag-arte.

"Ngayon, dahil natagalan, medyo masinsin lang sa kung anong project ang gagawin," aniya.