'Showtime', nakiramay sa mga naapektuhan ng lindol

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 04:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Nakiramay ang ABS-CBN noontime show na "It's Showtime" at mga host nito sa mga naapektuhan ng lindol nitong Lunes ng hapon, Abril 22.

Sa palabas nitong Martes, pinangunahan nina Anne Curtis, Karylle, Vhong Navarro, Amy Perez at guest co-host na si Kim Chiu ang pakikiramay.

"Sa kabila po ng ating mga ngiti bilang isang pamilya, kami po rito sa 'Showtime' ay nakikiramay sa mga naapektuhan ng pagyanig na naganap kahapon. Sa mga Kapamilya natin sa Luzon, lalong-lalo na po sa Pampanga at sa Zambales, kayo po ay nasa aming panalangin," ani Anne.

Hiniling din ng "Showtime" family na isama sa panalangin ang mga biktima nang nangyaring pagsabog sa Sri Lanka.

"Patuloy po tayong maging handa at samahan natin ng matinding dasal para sa sa isa't isa, para sa bayan at sa buong mundo. At isa na rin po natin sa ating mga dasal ang naapektuhan sa trahedya sa Sri Lanka at ang mga lugar na nakakaranas ng karahasan," ani Karylle.

Hinikayat din ng "Showtime" na huwag kalimutan ang manalangin at magkaisa para sa sama-samang pagbangon mula sa trahedya. 

"Kung kahapon ay sinubok tayo ng pagyanig at pangamba, wala nang mas lalaki pa sa ating pananalig, pananampalataya at pagmamahal sa isa't isa. Sama-sama tayong babangon, sama-sama [nating]harapin ang mga pagsubok. Isang pamilya tayo, lalaban, walang iwanan basta kapit lang," ani Vhong.

Dagdag ni Kim: "Kaya let's keep safe mga madlang pipol at patuloy tayong maging matatag para sa isa't isa.

Sa pinkahuling ulat, sinasabing 15 katao na ang namatay sa probinsiya ng Pampanga dahil sa 6.1 magnitude na lindol.